Calendar
BOC puspusan ang kampanya laban sa iligal na produktong ipinupuslit sa bansa
Puspusan ang ginagawang kampanya ng Bureau of Customs laban sa mga iligal na produkto na ipinupuslit sa bansa.
Nasabat ng BOC-Port of Legazpi sa pamamagitan ng Customs Border Protection Team (CBPT) katuwang ang Enforcement and Security Service (ESS) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), at Philippine Coast Guard-Sorsogon ang 16 karton na naglalaman ng 758 ream ng smuggled na sigarilyo sa Matnog Port sa Sorsogon.
Ayon sa adwana, ang mga sigarilyo na nagkakahalaga ng P1.06 milyon ay isinakay sa Urvan Shuttle mula sa Ongpin, Manila at dadalhin sana sa Cebu City. Wala umanong ligal na dokumento at revenue seal ang mga sigarilyo.
Sinabi ni Collector Segundo Sigmundfreud Z. Barte Jr. na ang pagkakasabat ng mga smuggled na sigarilyo ay alinsunod sa direktiba ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio na palakasin ang kampanya laban sa smuggling.
“The BOC’s Border Patrol team will continue to strictly enforce our customs laws and regulations, in accordance with one of the five-point agendas of Commissioner Rubio: to curb smuggling in the country and collect lawful revenue,” sabi ni Barte.
Kamakailan ay naharang din ng mga tauhan ng BOC sa Port of Clark ang P3.9 milyong halaga ng kush o high grade marijuana na itinago sa mga lata at idineklarang tsaa. Nanggaling ito sa California, USA.
Pinuntahan din ng BOC ang anim na warehouse sa Metro Manila at doon nadiskubre ang P150 milyong halaga ng produktong agrikultural na pinaghihinalaang smuggled.
Hinihingi na ng BOC sa mga may-ari ang mga dokumento kung papaano naipasok sa bansa ang naturang mga kargamento at patunay na tama ang binayarang buwis sa mga ito.
Sa unang quarter ng 2023 ay umabot na sa P19.2 bilyong halaga ng smuggled goods ang nasabat ng BOC.
Pinakamarami ang nasabat na pekeng branded na produkto na may kabuuang halagang P13.249 bilyon. Ang mga produktong agrikultural na nasabat ay nagkakahalaga naman ng P2.552 bilyon, at ang sigarilyo at iba pang tobacco product ay P1.748 bilyon.
Mayroon din umanong nasakoteng ipinagbabawal na gamot ang BOC na may kabuuang halagang P849 milyon.