BOC sa pamumuno ni Rubio pinaigting border protection vs smuggling

120 Views

BOCPINAIGTING ng Bureau of Customs (BOC), sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, ang mga hakbang laban sa smuggling at iligal na kalakalan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang pambansang seguridad at katatagan ng ekonomiya.

Batid ng BOC na natatapyasan ang kita ng gobyerno sa mga iligal na aktibidad na nagpapahina sa kakayanan ng gobyerno na mapondohan ang mga mahahalagang proyekto na makatutulong sa mga Pilipino at nagpapahina rin sa mga lokal na industriya.

Noong 2024, nakapagsagawa ang BOC ng mahigit 2,100 matagumpay na anti-smuggling operations, kung saan nasamsam ang mga produkto na may kabuuang halagang PhP85.167 bilyon.

Ang mga operasyong ito ay tumarget sa iba’t ibang ipinagbabawal na produkto, kabilang ang pekeng kalakal, iligal na droga, smuggled na tabako at vape products, pati na rin ang mga produktong pang-agrikultura na maaaring magdulot ng panganib sa mga magsasaka at mamimili.

Ngayong taon, isa sa mga pangunahing inisyatiba ang patuloy na pagpapatupad ng Fuel Marking Program, kung saan halos 20 bilyong litro ng krudo—5% na pagtaas mula sa nakaraang taon—ang natatakan. Mula sa programang ito ay kumita ang gobyerno ng mahigit PhP242 bilyon sa buwis at nakatulong sa pagpigil sa smuggling ng langis na sumisira sa patas na kompetisyon sa merkado.

Tinanggal din ng BOC ang akreditasyon ng 56 na importers at customs brokers na lumabag sa batas at regulasyon ng ahensya. Bukod dito, nakapagsampa rin ng 45 kasong kriminal laban sa mga sangkot sa smuggling, na nagpapatunay sa mahigpit na polisiya ng ahensya laban sa iligal na kalakalan.

Patuloy ring nakikipagtulungan ang BOC sa iba pang ahensya ng gobyerno bilang bahagi ng kanilang estratehiya. Noong 2024, nagdaos ito ng tatlong Intelligence Summits sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na dinaluhan ng mahigit 200 intelligence officers upang palakasin ang koordinasyon, magbahagi ng pinakamahuhusay na kasanayan, at paghusayin ang kolektibong tugon laban sa smuggling.

Binigyang-diin ni Commissioner Rubio ang kahalagahan ng mga hakbanging ito, sa pagsasabing: “Smuggling is not just an economic issue—it is a national security concern that affects every Filipino. Under President Marcos’ directive, we are intensifying our crackdown on illicit trade to protect local industries, ensure food security, and promote a level playing field for businesses. By leveraging intelligence, enforcement, and inter-agency collaboration, the BOC remains steadfast in its mission to secure our borders and uphold economic stability.”

Sa pamamagitan ng mga agresibong hakbang na ito, patuloy na tinutupad ng BOC ang mandato nitong protektahan ang mga hangganan ng bansa, tiyakin ang patas na kalakalan, at itaguyod ang pambansang kaunlaran