Valenzuela

Bodegang imbakan, pagawaan ng solvent, tinupok ng apoy sa Valenzuela

Edd Reyes Mar 3, 2026
254 Views

Valenzuela1NILAMON ng apoy ang bodegang imbakan at pagawaan ng solvent sa sunog na sumiklab Lunes ng hapon sa Valenzuela City.

Sa ulat ng Valenzuela Bureau of Fire Protection (BFP) alas-2:37 ng hapon nang ilagay sa unang alarma ang sunog sa warehouse na nasa Cabral St. Brgy. Maysan bago kaagad na itinaas sa ikalawang alarma makaraan ang 11-minuto.

Isa sa mga kawani ng bodega ang iniulat na nasugatan na kaagad na naisugod sa pagamutan habang ligtas na nakalabas ang iba pang trabahador

Aminado ang BFP na nahirapan silang apulahin ang apoy dahil bukod sa madaling mag-apoy ang mga nakaimbak na solvent sa bodega, malayo pa ang fire hydrant sa lugar na pinagkukuhanan nila ng tubig.

Itinaas sa ikatlong alarma ang sunog upang maiwasang madamay ang katabing mga bodega bago nakontrol ng alas-4:00 ng hapon hanggang tuluyang maapula alas-4:23.

Nag-iimbestiga pa ang mga arson investigators upang alamin ang sanhi ng sunog at kung magkano ang halagang natupok ng apoy.