Timbog

Boga, pampasabog, bala nasamsam sa bahay sa P’que, kelot binitbit ng parak

Edd Reyes Jun 2, 2025
25 Views

ARESTADO ng mga pulis ang suspek sa pag-iingat ng mga baril at explosives noong Linggo sa Paranaque City.

Sa bisa ng search warrant, binuksan ng mga tauhan ng Paranaque Police ang bahay ni alyas Noel sa Brgy. SAV-1 Brgy. San Antonio dakong alas-12:30 ng madaling araw.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Joseph Arguelles, nakumpiska sa bahay ni Noel ang isang kalibre .38 revolver, limang bala, isang paltik na baril at isang explosive device na pawang walang dokumento.

Galing kay Paranaque Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Marie Grace Javier-Ibay ng Branch 194 ang search warrant sa paghalughog ng bahay ng suspek.

“This arrest is a testament to our continued campaign against illegal firearms and explosives in southern Metro Manila,” pahayag ni BGen. Arguelles.