Galvez

Booster shots para sa 12-17 hiniling ng DOH

229 Views

HINILING ng Department of Health (DOH) sa Food and Drug Administration na payagan ang pagbibigay ng booster shot sa mga edad 12-17.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer at Vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. hiniling ng DOH na gamitin ang Pfizer at Moderna COVID-19 vaccine bilang booster shot sa mga menor de edad.

Hanggang noong Abril 8 ay 9,058,466 indibidwal na edad 12-17 ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.

Sinabi ni Galvez na itinutulak din ng gobyerno ang pagbibigay ng ika-apat na dose sa mga senior citizen at piling frontliner.

“Hinihiling po namin sa inyo na kapag nag-open na ang ating fourth dose, at nag-open na rin ang boosters sa 12-17 years old, magpabakuna tayo. Hangga’t maaga, magpabakuna na,” sabi ni Galvez.

Binigyan-diin ni Galvez ang kahalagahan na makapagbigay ng booster shot bago muling tumaas ang bilang ng mga nahahawa ng COVID-19.