Calendar
Bride sana nitong Linggo nawawala, P20K reward para makita siya
NANAWAGAN ang isang groom to be matapos na bigla na lamang nawala ang kaniyang 30-anyos na fiancee, nakatakda sanang ikasal ang dalawa ngayong Linggo.
Nag-alok ng ₱20,000 pabuya ang pamilya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon ukol sa kinaroroonan ni Sherra de Juan, na huling nakita sa isang waiting shed sa tapat ng isang gasolinahan sa Barangay North Fairview noong Disyembre 10 bandang alas-1:37 ng hapon.
Inatasan na ni Col. Randy Glenn Silvio, director ng Quezon City Police District (QCPD), ang Criminal Investigation and Detection Unit upang imbestigahan ang insidente.
Ayon kay Mark Arjay Reyes, fiancé ng nawawalang babae, bibili lang ng bridal shoes ang babae sa isang tindahan na malapit lang sa kanilang bahay.
Hindi rin umano nagdala ng cellular phone at wallet ang nawawalang babae, tanging maliit na coin purse ang dala nito ng umalis sa bahay.
Ayon pa kay Reyes, dapat sana ay ikakasal na sila ngayong Linggo. Sa halip, patuloy ang kanilang paghahanap sa tulong ng mga kaanak at kaibigan.
“To our guests, ninongs, ninangs, and abays, the wedding on December 14th is cancelled na po. We will use the time instead to search for Sarah De Juan . Hope you guys understand and still able to join us once we find Sarah,” ayon sa social media post ni Reyes.
Nakiisa rin ang Barangay Hall ng North Fairview sa paghahanap matapos maglabas ng mga litrato ni De Juan, kabilang ang kuha mula sa surveillance camera.
Huli siyang nakitang nakasuot ng itim na jacket at itim na pantalon.
Nanawagan ang barangay sa publiko na magbigay ng anumang impormasyong makatutulong sa mabilis na paglutas ng kaso.
Dagdag ni Reyes, hindi umano gumagana ang CCTV camera ng gasolinahan kung saan huling namataan si De Juan, kaya’t nahirapan ang mga awtoridad sa pagsubaybay sa kanyang mga galaw.

