Brownlee PBA Best Import winner Justin Brownlee (kanan): Balik aksyon para sa Ginebra. Photo by Ernie Sarmiento

Brownlee, iba pang imports sasabak sa bagong PBA wars

Robert Andaya Jan 18, 2023
250 Views

MATAPOS ang record-breaking attendance na 54,589 fans sa Game 7 ng PBA Commissioner’s Cup finals sa pagitan ng eventual champion Barangay Ginebra at runner-up Bay Area sa Philippine Arena sa Bulacan nung nakalipas na Linggo, magbabalik aksyon ang PBA para sa Governors’ Cup sa Philsports Arena sa Pasig ngayong Jan. 22.

Sasabak ang NorthPort Batang Pier at Converge FiberX, dalawang teams na umabot sa eight-team quarterfinal round bago natalo sa Ginebra at San Miguel Beer, sa tampok na laro simula 6:45 p.m.

Magtutuos naman ang Meralco at Rain or Shine sa 4:30 p.m. curtainraiser.

Bagamat wala pang formal announcement, inaasahang hahawakan na ang NorthPort ni team manager Bonnie Tan, na naiulat na nakipag-palit ng pwesto kay coach Pido Jarencio.

Si Tan ay nagsilbing coach ng Letran Knights na nanalo ng ikatlong sunod na NCAA championships nitong nakalipas na buwan.

Si Jarencio, na ginabayan ang Batang Pier sa semifinals ng 2019 Governors Cup — ang best-finish ever ng team — ay hahalili naman kay Tan.

Samantala, ipaparada ng Batang Pier bilang import si Marcus Weathers, isang 6-5 forward ns naglaro na sa Miami Redhawks at Duquesne Dukes nung college, habang ang FiberXers ay isasabak si Ethan Rusbatch, isang 6-5 shooting guard mula New Zealand na nakapaglaro na din sa Lincoln Trail College sa US.

Isasalang naman uli ng Meralco ang balik-import na si KJ MCDaniels, ang No. 32 pick ng Philadelphia 76ers nung 2014 NBA Draft, habang ipaparada ng Rain or Shine ang import na si Michael Qualls, na naglaro ng college basketball para sa Arkansas Razorbacks.

Ang Ginebra, na nagwagi ng titulo sa PBA Commissioner’s Cup, ay binigyan ng sapat na panahon para magpahinga bago muling sumabak sa aksyon laban sa Rain or Shine sa Feb. 5 sa Smart Araneta Coliseum

Si Justin Brownlee, na napiling PBA Bobby Parks Best Import winner sa nakalipas na conference, ang mamumuno pa din sa Gin Kings ni coach Tim Cone.

Games Sunday:

(Philsports Arena)
4:30 p.m. — Meralco vs. Rain or Shine
6:45 p.m. — Converge vs. NorthPort