Calendar
BuCor ligtas na nailipat ng ligtas 300 PDL sa Iwahig Prison and Penal Farm
UMABOT ng humigit-kumulang 300 na persons deprived of liberty (PDLs) ang ligtas na naipadala sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa, Palawan.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., bahagi ito ng pagsisikap ng ahensya na mabawasan ang matinding sikip sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa sa pamamagitan ng paglilipat ng mga bilanggo sa iba pang mga bilangguan at penal farm sa buong bansa. Kasabay nito, tinutugunan din nito ang pangangailangan sa dagdag na tauhan para sa mga kasalukuyang Agro Institutional Projects sa mga penal farm.
Napapanahon ang mga paglilipat na ito habang pinaghahandaan ang inaasahang pagsasara ng NBP sa taong 2028.
Binigyang-diin ni Catapang ang kahalagahan ng mga hakbang na ito bilang bahagi ng mas malawak na plano ng reporma sa sistema ng pagkakulong sa Pilipinas.
Aniya, mahalaga ang mga estratehikong paglilipat hindi lamang para sa maayos na paggalaw ng mga bilanggo kundi pati na rin sa kanilang kapakanan at rehabilitasyon.
Pinahayag din niya na ang mga ito ay bahagi ng mas malawak na bisyon para sa reporma ng sistemang penal sa bansa, na naglalayong magpatupad ng mas makataong pamamaraan at paghandaan ang isang hinaharap kung saan inuuna ang rehabilitasyon kaysa sa simpleng pagkakakulong.

