Calendar
BUDOY NAKIISA SA “SMART ISLANDS RISING” STI PROGRAM SA SAN AGUSTIN, ROMBLON
NAKIKIISA si Romblon Lone District Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona sa isinagawang “Smart Islands Rising: Launching of STI Interventions” bilang bahagi ng Pre-Regional Science, Technology and Innovation Week (Pre-RSTW) na ginanap sa Convention Hall, San Agustin sa Romblon.
Dumalo rin sa aktibidad sina COS Denon S.F. Madrona Jr., DOST Secretary Dr. Renato U. Solidum Jr., DOST Undersecretary for Regional Operations Engr. Sancho A. Mabborang, DOST MIMAROPA Regional Director Dr. Bernardo N. Sepeda, DOST-Romblon Provincial S&T Director Dr. Marcelina V. Servañez, SDS Roger F. Capa, Mayor Aaron James C. Madrona, mga municipal at barangay officials, kinatawan ng national government agencies at iba pang stakeholders.
Sinabi Madrona na layunin ng “Smart Islands Rising” na gamitin ang science, technology and innovation (STI) upang makapaghatid ng praktikal at makabagong solusyon sa mga hamon na kinakaharap ng mga island community—mula sa edukasyon at konektibidad hanggang sa turismo, kabuhayan at disaster resilience.
Ayon kay Madrona, tampok sa programa ang paglulunsad ng tatlong pangunahing STI interventions na idinisenyo para tugunan ang mga partikular na pangangailangan ng komunidad ng San Agustin.
Ipinaliwanag ni Madrona, chairman ng House Committee on Tourism, na ang San Agustin Smart Information, Navigation, and Access Gateway (SASINAG) Tourism Kiosk ay magbibigay ng napapanahong impormasyon hinggil sa mga pasyalan, transportasyon, accommodation, lokal na produkto at serbisyo.
Inaasahang makatutulong ito, sabi pa ng mambabatas, upang mapahusay ang karanasan ng mga turista at higit pang maisulong ang lokal na turismo ng San Agustin.
“Ang Resilient Education Information Infrastructure for the New Normal – LokalFi (REIIN-LokalFi) ay nakatuon sa pagpapalakas ng konektibidad at access sa mahahalagang impormasyon,” ayon kay Madrona.
Mahalaga ang sistema lalo na sa panahon ng sakuna, emergency o pagkawala ng internet, bilang suporta sa disaster preparedness at response ng komunidad.
Itinatampok din ang Solar Energy System-Powered Mini Ice Plant na gagamit ng solar energy upang makatulong na mabawasan ang gastusin sa kuryente habang napapanatiling sariwa ang mga huli ng mahigit 2,000 rehistradong fisherfolk ng San Agustin.
Sa pamamagitan nito, ipinaliwanag pa ng mambabatas na inaasahang mapalalakas ang kabuhayan ng mga mangingisda at mababawasan ang mga hamon sa pagpapanatili at pag-iimbak ng kanilang mga produkto.

