Cayton

CAYTON: IGIIT ANG PAGPAPAUNLAD SA BAGABAG AIRPORT, PARAGLIDING SA NUEVA VIZCAYA

Mar Rodriguez Sep 6, 2026
157 Views

MULING inilahad ni House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Rep. Atty. Timothy Joseph “Tim” Cayton ang mahahalagang usapin para sa Nueva Vizcaya sa isinagawang Department of Transportation (DOTr) budget briefing kabilang ang pagpapatuloy ng operasyon ng “Bagabag Airport” at ang pagpapalakas ng suporta sa lumalaking komunidad ng paragliding sa kanilang lalawigan.

Kabilang sa mga update na tinalakay ang nakalaang pondo para sa pagtatayo ng fire station sa Bagabag Airport na inaasahang sasailalim sa procurement ngayong Oktubre.

Mahalaga rin umanong matugunan ang mga safety concerns sa paligid ng runway bilang bahagi ng paghahanda sa patuloy na operasyon at pagpapalakas ng airport facilities.

Bukod sa usapin ng airport, binigyang-diin din ni Cayton ang pangangailangan ng malinaw na regulasyon, licensing at accreditation para sa mga paragliding pilot sa bansa.

Ayon sa mambabatas, hindi lamang kaligtasan ang dapat isaalang-alang sa pagbuo ng mga panuntunan para sa sport. Mahalaga rin umanong kilalanin at suportahan ang mga piloto at mapaunlad ang kanilang talento at professionalism.

Partikular na binigyang-pansin ang patuloy na pagdami ng mga paragliding activities sa Nueva Vizcaya, lalo na sa Ambaguio na may potensiyal na makatulong sa pagpapalago ng turismo, recreation at sports sa lalawigan.

Sa pamamagitan ng mas malinaw na regulatory framework, inaasahang mas mapalalakas ang suporta at pagkilala sa mga paragliding pilot habang napapanatili ang kaligtasan ng mga atleta, turista at komunidad.

Para kay Cayton, mahalagang sabay na maisulong ang imprastraktura, kaligtasan, turismo at sports development upang makalikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Novo Vizcayano.

Patuloy umano niyang isusulong sa Kongreso ang mga usaping makatutulong sa pag-unlad ng Nueva Vizcaya, kabilang ang pagpapalakas ng transport infrastructure at pagsuporta sa mga bagong oportunidad sa turismo at palakasan.