Bunsong Anak

Bunsong anak ni PBBM, FL Liza nag- inaugurate ng LAB for All van

Edd Reyes Nov 25, 2024
45 Views

NAGING kinatawan ni Unang Ginang Liza Araneta-Marcos ang bunsong anak nila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na si William Vincent “Vinny” Marcos sa inaguration ng LAB for ALL medical van noong Lunes sa Malabon City.

Kasama ng batang Marcos sina Mayor Jeannie Sandoval, City Administrator Alex Rosete, Newport World Resorts Foundation Executive Director and Trustee Atty. Walter Mactal at Ospital ng Malabon Chief Dr. Jennifer Amolo Lim sa pagpapasinaya sa bagong Lab for All medical van.

Ang Lab for All na pangunahing programa ng Unang Ginang ibinahagi sa Malabon sa pakikipagtulungan ng Newport World Resorts upang mapangalagaan ang kalusugan ng mamamayan sa bawa’t komunidad, lalo na ang mga maralita, sa pamamagitan ng libreng serbisyong medikal, laboratory, konsultasyon at mga gamot sa lahat ng nangangailangan.

Ang 22-talampakang medical van kinapapalooban ng iba’t-ibang gamit pang-medikal kabilang ang Hematology analyzer para sa kumpletong blood count ng CBC, Chemistry analyzer o blood chemistry test, x-ray, ultrasound at electrocardiogram (ECG) machines.

Sinabi ni Mayor Sandoval na karagdagang tulong sa kanilang programang pangkalusugan at kagalingan ang medical van lalu’t mga de-kalidad ng serbisyo ang ibabahagi nito sa Malabueños.

“Ang LAB for All Medical van malaking tulong para sa mga Malabueño dahil nailalapit nito ang mga serbisyong medikal sa lahat, lalo na sa mga higit na nangangailangan.

Sa susunod makikita n’yo na ang van na ito na umiikot sa ating lungsod upang makatulong sa inyo.

Makakaasa kayo na mas marami pang serbisyong pangkalusugan ang ating gagawin upang masigurong malusog ang Malabueño tungo sa progreso at pag-unlad,” pahayag pa ng alkalde.