Suarez Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez

Bureau of Plant Industry kinondena ni DS Suarez

59 Views

KINONDENA ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez ang Bureau of Plant Industry (BPI) dahil sa pagbibigay umano ng permit sa mga kompanyang nag-aangkat ng bigas ng hindi man lamang sinisilip kung sino ang may-ari nito.

Sa pagdinig ng quinta committee ng Kamara de Representantes ng Martes, sinabi ni Suarez na dalawa sa mga pangunahing rice importer sa bansa ay mukhang iisa lamang ang may-ari.

Sa pagtatanong ni Suarez, inamin ni BPI Director Gerald Glenn F. Panganiban na hindi nito sinilip kung sino ang may-ari ng mga kompanya na binigyan nito ng import permit.

“Matanong ko lang, Mr. Chair, if I may, while waiting, ito ba lahat binibigyan ng permit ng BPI, lahat ba ito dumadaan sa iyo?” tanong ni Suarez.

Ayon kay Panganiban, ang lahat ng importer ay dumaraan sa proseso at binibigyan ng permit.

“Hindi mo ba napansin kung sino ‘yung mga nabanggit na kompanya ni Cong. [Nicanor] Briones eh base sa mga listahan ng mga pagmamay-ari eh iisa lang ‘yung dalawang top rice importer natin,” sabi ni Suarez.

Inamin ni Panganiban na hindi sinilip ng BPI kung sino ang may-ari ng mga kompanyang nag-aangkat ng bigas.

“Hindi po, hindi namin napa-check,” sabi ni Panganiban.

Hindi nagustuhan ni Suarez ang isinagot ni Panganiban. “Bakit hindi n’yo na tsinek? Hindi pwedeng ngayon i-review iyan eh tapos na ang nangyari tapos ngayon n’yo gagawin ang trabaho n’yo. Dapat noong naga-apply pa lang sila tsinek n’yo na kaagad,” ani Suarez.

Iginiit ng mambabatas ang kahalagahan ng pagsasagawa ng due diligence para maiwasan ang potensyal na manipulasyon ng merkado upang mapataas ang presyo ng bigas.

“Malay n’yo, iyang top five na ‘yan tatatlo lang pala ang may-ari then sasabihin n’yo sa amin ngayon n’yo lang gagawin ‘yung trabaho. Hindi pwede iyon,” punto ni Suarez.

Sinabi ni Panganiban sisilipin ng BPI kung sino ang may-ari ng mga korporasyon. “Since corporation po ito sir, we are checking po kung sino nga ‘yung mga may-ari,” saad pa nito.

Giit naman ni Suarez, “Dapat noong naga-apply pa lang sila tsinek n’yo na kaagad.”

Hiniling ni Suarez sa komite na ipatawag ang may-ari ng mga kompanya na nag-aangkat ng bigas upang malaman ang ownership structure ng mga ito.

Sinuportahan naman ito ng chairman ng quinta comm na si Albay Rep. Joey Salceda.

Ang quinta comm ay nabuo sa pamamagitan ng House Resolution 2036 na inihain nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales.

Ito ay binubuo ng House committees on ways and means, trade and industry, agriculture and food, social services at special committee on food security.