Pic5

Bus stations, LRT binisita ng DOTr sec

Jun I Legaspi Nov 10, 2025
509 Views

SA gitna ng hagupit ng bagyong Uwan, nag-inspeksyon si acting Transportation Secretary Giovanni Lopez sa mga bus terminal sa Legarda, Maynila upang alamin ang sitwasyon ng mga na-stranded na mga pasaherong papauwi ng Tuguegarao at iba pang probinsya sa Northern Luzon.

Unang kinamusta ni Secretary Lopez ang mga pasahero sa Florida Bus Company na naghihintay simula pa kahapon para maka-biyahe pauwi ng Tuguegarao.

Tiniyak ng Florida Bus na ang mga pasahero ay binibigyan ng pagkain at inumin habang naghihintay ng biyahe.

“Ang bilin sa atin ng Pangulo dapat safe ang mga pasahero, lalung-lalo na ngayong may bagyo.

Hindi natin pwedeng i-risk ‘yung safety nila tinitiyak natin hindi lang sa mga pasahero, kundi na rin pati sa driver at konduktor, na ‘yung mga dadaanan nila pauwi sa kanilang probinsya ay ligtas,” ani acting Secretary Lopez.

Binisita rin ni Lopez ang Victory Liner Inc. sa Legarda St. kung saan pinigil ng Kalihim ang bus na papaalis na sana papuntang Tuguegarao.

Humingi ng dispensa ang Kalihim sa mga pasahero at sinabing maghintay muna habang hinihintay ang kautusan mula sa LTFRB para masigurong ligtas ang kanilang biyahe.

Ilang sandali lang din ay naglabas na ng kautusan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para muling payagang bumiyahe ang mga public utility buses sa mga probinsya, matapos masigurong ligtas nang madaanan ang mga kalsada.

Binisita rin ni Secretary Lopez ang LRT-2 Legarda Station na nasunog kahapon.

Nilinaw ng pamunuan ng LRT-2 na ang nasunog na istruktura ay isang barangay outpost na nasa labas ng istasyon. Tiniyak nitong hindi nasunog o nadamay sa sunog ang istasyon.

Ipinag-utos naman ni Acting Secretary Lopez kay Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Hernando Cabrera ang pagpapagawa ng covered walkway sa istasyon papuntang Mendiola at Legarda para hindi mahirapan ang mga estudyante at ibang komyuter tuwing umuulan.