Lacson

Lacson: Very important witness pribadong indibiduwal

166 Views

IPINAHAYAG ni President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, na inaasahang muling mauupo bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na ang “very important witness” na ipatatawag sa susunod na pagdinig ay hindi opisyal ng gobyerno, ngunit posibleng maging susi sa pagkumpleto ng ebidensya laban sa mga sangkot sa imbestigasyon.

Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Lacson na mahalaga ang magiging papel ng testigo sa paglalatag ng kabuuang larawan ng kaso.

“Importante kasi pwedeng ma-wrap up lahat ng kailangang malaman patungo sa prosecution at conviction,” aniya.

Nilinaw ng senador na hindi direktang lumapit ang testigo sa kanya kundi sa pamamagitan ng isang conduit o tagapamagitan. “May conduit na nagparating,” ani Lacson.

Dagdag pa niya, hindi opisyal ng gobyerno ang naturang testigo, taliwas sa mga hinuha na ito ay dating nasa pamahalaan. Pinapinal pa lamang umano ng testigo ang kanyang affidavit na sinusuportahan ng mga dokumento, ledger, digital files, at iba pang tala.

“Sabi ko sa kanya, kung magbabanggit ng pangalan na walang supporting document, huwag na lang kasi baka makasira lang ng tao,” pahayag ni Lacson.

Sinabi rin ni Lacson na nag-aalok si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na magharap ng isa pang tao na maaaring magpatunay sa mga pahayag ni Guteza, ang dating resource person na hindi pa rin natatagpuan mula nang magbigay ng testimonya sa Senado.

Pinatitiyak ng komite sa immigration records kung may umalis sa bansa na may kaugnayan sa kaso. Iginiit ni Lacson na mananatiling pareho ang direksyon ng imbestigasyon — “where the evidence leads us.”

Bagaman hindi pa isinasapubliko ang pagkakakilanlan ng testigo, malinaw sa paglalarawan ni Lacson na ito ay isang pribadong indibidwal na may personal na access sa mga dokumentong pinansyal at hindi bahagi ng burukrasya.

Inaasahang magpapatuloy ang pagdinig ng komite sa Nobyembre 14, kung saan sentro ng pagdinig ang bagong testigo.