Carpio

Business interests ng mag-asawang Duterte-Carpio binusisi ni Rep. Barbers

Mar Rodriguez Apr 22, 2026
27 Views

TINUTUKAN at binusisi ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Bernadette Barbers ang lumalagong interes sa negosyo ng mag-asawang sina Vice-President Sara Z. Duterte at Atty. Mans Carpio na nakapaloob sa kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Muling sumailalim sa masusing pagbusisi at pagsusuri ng House Committee on Justice ang SALN ni VP Sara matapos na hilingin ni Barbers sa Office of the Ombudsman na kumpirmahin ang tila patuloy na pagdami ng mga idineklarang business interests ni Duterte kasama na ang kaniyang asawa.

“So tama po ba na base sa mga SALN ni VP Duterte at ni Atty. Mans Carpio ay kada taon ang mga business interests nila ay dumadami,” pagtatanong ni Barbers.

Tumugon naman si Atty. Karen Batu ng Central Records ng Office of the Ombudsman na: “We cannot make any conclusion on the ano po. Basta kung ano lang po yung binasa niyo, we can confirm na ‘yun po ‘yung nakalagay sa SALN nila,”.

Ang diskusyong ito ay naganap matapos na isa-isang ilatag ni Barbers sa Justice Committee ang mga isinumiteng SALN mula 2007 hanggang 2024 sa pamamagitan ng mga official records upang ipakita kung papaano lumawak ang listahan ng mga interes sa negosyo at koneksiyong pinansiyal sa paglipas ng mga taon.

Nagsimula ang lady solon sa 2007 SALN, kung saan tatlong kompanya lamang ang idineklara mag-asawa.

“Based po sa SALN ng taong 2007. Si VP Sara Duterte at ang kaniyang asawa na si Atty. Manases Carpio ay mayroon pong business interest and financial connection sa mga sumusunod. One Davao Emerging Taipan Corporation, Davao Bounty Times Food Corporation, City Hall King Chow Foods Corporation, Kinukumpirma niyo ba ito?” pagtatanong ni Barbers.

Sinagot naman ni Batu ang tanong ni Barbers na: “Good morning, Your Honor. Again, reading from the 2007 SALN submitted by the Vice President, the business interest and financial connections declared then was Davao Emerging Taipan Corporation, Davao Bounty Times Food Corporation and City Hall King Chow Foods Corporation”.

Nanatili ang parehong tatlong kompanya, sinabi pa ni Barbers sa mga deklarasyon noong 2008 at 2009 bago nagsimulang humaba ang listahan noong 2010.