Calendar
VP Sara maingay sa socmed pero tahimik sa mga alegasyon –Suarez
NAPAKA-INGAY umano ni Vice President Sara Duterte sa social media at public interviews subalit “tameme” naman ito kaugnay sa patong-patong na alegasyon laban sa kaniya.
Ganito inilarawan ni House Deputy Speaker at Quezon Province 2nd District Rep. David “Jay-Jay” Suarez ang “nakabibinging katahimikan” ni VP Sara kasunod ang kaniyang babala na ang patuloy na pangtanggi nitong tugunan ang mga seryosong alegasyon ay lalo lamang magpapalalim ng pagdududa ng publiko.
Binigyang diin ng House Deputy Speaker na ang patuloy na pananahimik ni Duterte sa kabila ng pagbibigay sa kaniya ng lahat ng pagkakataon ay nagbubukas lamang ng mas maraming tanong kaysa sa mga sagot dahil sa pagsasawalang kibo nito.
Tinukoy din ni Suarez ang tila napakalinaw na kontradiksiyon kung saan naunang pinuna ni VP Duterte ang Kongreso dahil umano sa hindi pagbibigay sa kaniya ng pagkakataon para sumagot. Subalit ngayon naman nagkakaroon aniya ng impeachment hearing para magpaliwanag, mas pinili naman nito ang manahimik.
“Humihingi siya ng pagkakataon magsalita. Ngayon na meron na, bakit piniling manahimik,” sabi ni Suarez.
Para sa kongresista, ang katahimikan ni VP Sara Duterte ay hindi lamang kawalan ng salita kundi isang pananadya na may epekto umano sa pananaw ng publiko patungkol sa mga seryosong alegasyon ng korapsiyon na kinasasangkutan nito.
“Silence is a choice and that choice has consequence sa tiwala ng publiko,” paliwanag pa ng mambabatas.
Pagbibigay diin pa ng House leader na ang impeachment hearing na isinasagawa ng House Committee on Justice ay hindi usapin ng pagkakampi-kampi matapos nitong igiit na nasusunod ang due process at nagbibigay ng pagkakataon kay Duterte para sumagot sa mga isyung ibinabato laban sa kaniya.
“Sa due process, may pagkakataon sumagot. Kapag piniling manahimik, natural lang na magtatanong ang publiko,” ayon pa kay Suarez sa pananahimik ni Duterte.
To God be the Glory

