Trillanes

Trillanes: P181.6M drug money pumasok sa bank account ng pamilya Duterte

Mar Rodriguez Apr 22, 2026
26 Views

INIUGNAY ni dating Senator Antonio “Sonny” F. Trillanes IV ang mga bank transactions ng pamilya Duterte sa di-umano’y “drug lord” na nagpasok umano ng P181.6 million mula sa illegal na droga.

Inilantad ni Trillanes ang mga bank transaction Nina Vice President Sara Z. Duterte at iba pang miyembro ng pamilya Duterte sa hinihinalang drug lord matapos nitong basahin at isumite ang kanyang affidavit sa harap ng Justice Committee sa isinasagawang probable cause hearing hinggil sa mga alegasyon ng unexplained wealth sa reklamong impeachment.

Ang pinaka-pasabog na alegasyon sa affidavit ni Trillanes ay ang pagtanggap o pag-encash umano ni VP Duterte at ng iba pang miyembro ng pamilya Duterte ng P181.6 milyon sa mga tseke na diumano’y may kaugnayan sa umano’y drug lord.

Ipinahayag ni Trillanes na base sa mga hawak niyang rekord, hindi lamang mga transaksyong pinansyal ni Sara Duterte ang nakita, kundi pati na rin mga payout at pag-encash ng iba pang miyembro ng pamilya Duterte mula sa umano’y drug lord.

Sinabi pa ni Trillanes na na may hiwalay na annex na nakalakip sa kanyang affidavit na nagbubuod sa mga bank transaction na nagpapakita ng nasabing mga payout.