Calendar
CAAP: Basco Airport pansamantalang sarado dahil sa Bagyong Rosal


PANSAMANTALANG isinara ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang Basco Airport nitong Biyernes, Oktubre 23, dahil sa pananalasa ng Bagyong Rosal.
Dalawang biyahe sa pagitan ng Clark at Basco ang kinansela, na nakaapekto sa kabuuang 148 pasahero:
PR2688 (Clark–Basco)
PR2689 (Basco–Clark)
Bilang pag-iingat, siniguro at pinalakas na rin ng pamunuan ng paliparan ang mga pasilidad na may mga salaming bintana upang mabawasan ang posibleng pinsalang dulot ng malalakas na hangin at pag-ulan.
“Ang kaligtasan ng mga pasahero at mga tauhan ng aviation ang nananatiling aming pangunahing prayoridad. Patuloy kaming makikipag-ugnayan sa mga kinauukulang awtoridad sa paliparan at masusing magmamanman sa lagay ng panahon upang matiyak na maipagpapatuloy lamang ang operasyon kapag ligtas na ito para sa lahat,” ayon kay CAAP Director General Retired Lt. Gen. Raul Del Rosario.
Pinapayuhan ng CAAP ang mga apektadong pasahero na makipag-ugnayan sa kani-kanilang airline para sa mga pinakabagong abiso tungkol sa kanilang mga biyahe at mga opsyon sa rebooking.
Hinihikayat din ang publiko na bantayan ang mga opisyal na anunsyo at advisories ng CAAP para sa mga susunod na update hinggil sa operasyon ng Basco Airport.

