CAAP

CAAP naglabas ng NOTAM para sa Busuanga Airport

Jun I Legaspi Sep 5, 2025
393 Views

NAGLABAS ng Notice to Airmen (NOTAM) ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa Busuanga Airport matapos magkaroon ng aberya ang isang komersyal na eroplano, na nagresulta sa pagkansela ng ilang biyahe.

Ang PAL Express flight GAP2961 mula Maynila ay lumapag sa Busuanga Airport noong alas-7:47 ng umaga, Biyernes, Setyembre 5, 2025, ngunit hindi nakalabas ng runway dahil sa teknikal na problema.

Ang NOTAM ay epektibo mula alas-9:13 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon.

Kabuuang siyam na biyahe ang nakansela, isa ang na-divert, at isa ang naantala mula sa CebGo at PAL Express.

Sa pakikipagtulungan ng PAL Express at Philippine Air Force (PAF), agad na kumilos ang CAAP upang alisin ang eroplano mula sa runway.

Inatasan ni CAAP Director General retired Lt. Gen. Raul Del Rosario ang pamunuan ng paliparan na pabilisin ang proseso ng paglilinis at makipag-ugnayan sa mga airline upang magbigay ng tulong sa mga pasahero at ayusin ang mga biyahe.

“Ang kaligtasan ng mga pasahero ang aming pangunahing prayoridad. Ginagawa namin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang ligtas na maalis ang eroplano at maibalik ang normal na operasyon sa lalong madaling panahon,” ayon kay Lt. Gen. Del Rosario.

Patuloy ang koordinasyon ng CAAP sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng operasyon at mabawasan ang abala sa mga pasahero.