Cargo

Cargo firm sinuspinde ng 60 na araw ng BOC dahil sa di naipadalang balikbayan boxes

204 Views

BILANG bahagi ng patuloy na layunin nitong pangalagaan ang kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at tiyaking may pananagutan ang mga kompanyang freight forwarding, sinuspinde ng Bureau of Customs (BOC) ang akreditasyon ng isang cargo firm bilang Deconsolidator o Consignee sa loob ng 60 na araw.

Ipinataw ang suspensyon matapos mabigong sumunod ang nasabing kompanya sa mga direktibang nakasaad sa Show Cause Order na inilabas noong Oktubre 23, 2025, na nag-aatas sa kompanya na bayaran ang mga natitirang buwis at tungkulin at ipaliwanag sa loob ng tatlong araw kung bakit hindi dapat bawiin ang kanilang akreditasyon at ipagbawal ang pakikipagtransaksyon nito sa ahensya.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, “Patuloy na ipatutupad ng Bureau of Customs ang pananagutan at pangangalaga sa kapakanan ng ating mga OFW.

Naninindigan kami na lahat ng forwarding companies ay dapat sumunod sa batas ng customs upang matiyak na ligtas at walang aberya na makarating sa kanilang mga pamilya ang mga kargamentong pinaghirapan ng ating mga kababayan.”

Bago pa ang suspensyon, lumabas sa mga ulat na may ilang konteyner ng balikbayan boxes mula sa nasabing cargo forwarder na hindi pa nababayaran o nakukuha sa iba’t ibang daungan tulad ng Cebu, Manila International Container Port (MICP), at Davao. Ilan sa mga ito ay matagal nang nakatambak at ang iba ay idineklarang inabandonang kargamento.

Sa pakikipagtulungan ng Department of Migrant Workers (DMW), patuloy na minomonitor ng BOC at isinasagawa ang mga nararapat na hakbang upang matiyak na maayos na maipapadala sa mga tunay na tatanggap ang mga apektadong balikbayan boxes.

Bukod dito, pinag-aaralan din ng BOC ang pagsusumite ng kaso sa Department of Trade and Industry (DTI) upang kumilos kaugnay ng akreditasyon ng MECI sa naturang ahensya.

Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, patuloy na ipinapakita ng Bureau of Customs (BOC) ang dedikasyon nito sa integridad sa kalakalan at sa pagtatanggol sa interes at kapakanan ng mga Pilipinong nasa ibang bansa.