BBM

Cash gifts sa mga senior citizens, ipinamahagi na ni PBBM

Chona Yu Feb 26, 2025
83 Views

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang cash payout sa mga senior citizens na bepisyaryo ng Expanded Centenarian Act of 2024 o Republic Act 11982.

Sa ilalim ng bagong batas, nasa 1,079 na senior citizens na edad 80, 85, 90, 95 ang makatatanggap ng P10,000 insentibo mula sa pamahalaan habang nananatili naman sa P100,000 ang makukuha ng 100 taong gulang.

Sa Palasyo ng Malakanyang, 14 ang nabigyan ng payout kung saan tatlo dito ay 80 taong gulang, tatlo ang 85 taong gulang , lima ang 95 at tatlo ang 100 taong gulang.

Ginawa ang nationwide payout sa may 15 rehiyon para sa kabuuang 1,079 na beneficiaries kung saan nasa P12 milyong pondo ang inilaan dito.

Ayon kay Pangulong Marcos, 73% ng senior citizens ay umaasa pa rin sa suporta ng mga anak at 55% ng kanilang gastusin sa kalusugan ay binabayaran mula sa kanilang sariling bulsa.

“Sa Bagong Pilipinas, hangad natin na mabuhay nang may ginhawa at dignidad ang ating mga matatanda”, pahayag pa ng Pangulo.

“Sa ating mga seniors, nawa’y magkaroon kayo ng marami pang panahon ng kagalakan kasama ang inyong mga minamahal sa buhay. Hiling ko rin na magkaroon po kayo ng mga mas matatamis na kuwento na ibabahagi sa susunod na henerasyon,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Nasa P2.9 bilyong cash gifts ang ipamamahagi ngayong taon sa 275,000 senior citizens sa buong bansa.