sen cayetano

Cayetano: Mas malaking PSC budget, puhunan sa sports, kabataan

384 Views

HINIMOK ni Sen.Alan Peter Cayetano ang mga kapwa mambabatas na isaalang-alang bilang puhunan sa kinabukasan ng kabataang Pilipino at sa industriya ng sports ng bansa ang budget ng Philippine Sports Commission (PSC).

Umapela din siya na lakihan ng gobyerno ang paggastos sa grassroots sports program upang mas maparami pa ang mga pagsasanay sa mga atleta at mas mapapalaki pa ang sakop nito sa mas maraming propesyonal na liga sa iba’t ibang sports.

“There comes a point wherein sports become so integrated in a society that the money from commercial sources will take over. Ngayon ang problema natin kasi is mahina y’ung grassroots training dahil walang pera,” sinabi ni Cayetano sa isang manifestation sa plenaryo ng Senado kamakailan.

“Pero dadating ang time na kapag sobrang part na of daily life ang sports dito sa atin, mag-aagawan ang advertisters kung sino ang popondo nito,” dagdag niya.

Tinalakay ng mga senador ang proposed 2023 budget ng PSC na nagsimula noong Huwebes at tumakbo hanggang alas dos ng madaling araw noong Biyernes.

Hiniling ni Cayetano kay Sen. Christopher “Bong” Go, bilang Tagapangulo ng Senate Committee on Sports, at sa mga opisyal ng PSC na magsumite sila ng isang komprehensibong grassroots campaign sports development program na magpapakitang kasama na ito sa mga susunod na budget deliberations.

“Give us a plan and the figures that go with it para maintindihan ng ating mga kababayan na hindi lang dapat elite athletes [ang sinusuportahan]. Dapat kung may nakitaan ka pa lang na galing, may pondong nakahanda na,” ani Cayetano.

Nilinaw ni Go na humigit-kumulang P30 milyon ang ilalaan para sa umiiral na Batang Pinoy grassroots sports program ng PSC, pero inamin niya na hindi sapat ang kabuuang budget ng komisyon kapag isinasaalang-alang ang mga gastusin sa manpower at maintenance ng sports facilities.

Ipinunto ni Cayetano na ang pamumuhunan sa imprastraktura ay napakahalaga sa pagpapaunlad ng sports industry sa bansa dahil ang mga ito ay nagbibigay ng mga pasilidad sa pagsasanay para sa mga baguhang atleta. Nagbibigay rin ang mga ito ng insentibo sa pribadong sektor na gumawa ng sarili nitong pamumuhunan.

“Maglagay tayo ng pondo for developing these facilities. Dapat may involvement kayo for supervision. Lalaki ang sports industry, at hindi tayo nagtatapon ng pera kasi it develops our children.

Even if you look at it from a commercial point of view, babalik ang pera,” sabi niya.

Parehong itinulak nina Ses. Alan at Senador Pia Cayetano ang mas malaking suporta ng estado para sa isang nationwide grassroots sports program na pangasiwaan ng PSC. Wika ni Senador Alan, ang sports ay mahalaga sa pagbuo ng malakas na karakter sa mga kabataang Pilipino.

“Ang sports ay sagot sa maraming problema – paglaban sa droga at kakulangan ng teamwork. Y’ung disiplina, passion, sacrifice – lahat natutunan sa sports,” sabi niya.