Madrona

Cebu Safari bilang tourist destination aprubado sa 2nd pagbasa ng Kamara

Mar Rodriguez Oct 25, 2022
246 Views

INIHAYAG ngayon ng isang veteran congressman na inaprubahan na sa ikalawang pagbasa sa Kamara de Representantes ang kaniyang panukalang batas na naglalayong ideklara bilang isang tourist destination ang Cebu Safari and Adventure Park.

Ipinaliwanag ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na layunin ng kaniyang House Bill No. 5171 na isinulong nito sa Kongreso na tulungan ang lalawigan ng Cebu upang makabangon mula sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Madrona na ito’y sa pamamagitan ng pagsusulong ng iba’t-ibang pamamaraan ng “improvement” sa Cebu para makabawi ang nasabing lalawigan mula sa mga problemang idinulot ng pandemiya. Kung saan, ang isa sa mga naapektuhan ay ang kanilang turismo.

Naniniwala si Madrona na sakaling magkaroon ng malaking improvement sa Cebu Safari and Adventure Park. Inaasahang paunti-unti aniyang makakabawi ang naturang lalawigan sa pamamagitan ng pagdating ng mga lokal at dayuhang turista para magtungo sa Cebu.

Binigyang diin ng mambabatas na ang Cebu Safari and Adventure Park ang isa sa mga kinagigiliwang attraction ng mga lokal at dayuhang turista. Subalit nanamlay lamang sapul ng pumutok ang COVID-19 pandemic sa buong mundo at ang tourism industry ang pangunahing naapektuhan nito dahil sa mga ipinatupad na restrictions at protocol.

Nakapaloob sa panukalang batas ni Madrona ang pagsasa-ayos ng Cebu Safari and Adventure Park kabilang na dito ang pangangalagawa sa iba’t-ibang mga hayop na matatagapuan dito.