Chua Manila Rep. Joel R. Chua

Chair Chua: Ipinapakita ng mga pahayag ni Duterte ang ‘takot’ habang umuusad proseso ng impeachment

100 Views

SINABI ng isang lider ng Kamara na ang mga kamakailang pahayag ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte ay nagpapakita ng “takot kaysa katotohanan” habang sumusulong ang proseso ng impeachment laban sa kanya sa House of Representatives.

Ayon kay Manila Rep. Joel R. Chua, tagapangulo ng House Committee on Good Government and Public Accountability, ang paghahain ng mga reklamo sa impeachment ay simula pa lamang ng konstitusyonal na proseso at hindi ang katapusan nito.

“Ang mga reklamong impeachment na inihain sa House of Representatives ay hindi ang huling yugto ng konstitusyonal na proseso. Ito ay simula lamang ng isang pamamaraan na nagbibigay-daan sa Kamara upang matukoy kung may sapat na batayan upang ihain ang Articles of Impeachment sa Senado para sa paglilitis,” sabi ni Chua.

Binanggit din ni Chua na hindi pa naghahain si Duterte ng pormal na sagot sa mga natitirang reklamong impeachment na nakabinbin sa Kamara.

“Sa ngayon, hindi pa nagsusumite ang Pangalawang Pangulo ng kanyang pormal na sagot sa mga natitirang reklamong impeachment. May karapatan siya sa ilalim ng mga patakaran kung magsusumite siya o hindi ng ganitong mga pleadings. Kung pipiliin niyang hindi magsumite, maaaring bahagi ito ng isang legal na estratehiya upang ilaan ang kanyang pangunahing depensa sa Senado, kung saan gaganapin ang aktuwal na paglilitis sa impeachment,” aniya.

Gayunman, sinabi ng mambabatas na ang pinakahuling pampublikong pahayag ng Pangalawang Pangulo ay tila nagpapahiwatig ng naturang legal na hakbang.

“Ngunit sa isang banda, ang kanyang pinakahuling pampublikong pahayag ay tila naglalantad ng ilang bahagi ng naturang estratehiya sa depensa. Kaya pala, talagang natatakot siya sa mga nalalaman ni (Ramil) Madriaga,” sabi ni Chua.

Idinagdag pa niya na ang ganitong mga pahayag ay maaari pang magpalakas sa kaso ng Kamara kung aabot ang usapin sa susunod na yugto ng proseso.

“Ang ganitong mga pahayag ay maaaring makatulong sa Kamara kapag ginampanan nito ang tungkulin nitong konstitusyonal na iharap ang Articles of Impeachment sa Senado,” dagdag niya.

Kinuwestiyon din ni Chua ang mensaheng ipinahihiwatig ng mga pahayag ni Duterte, at sinabing ang tono ng mga ito ay tila naglalayong impluwensiyahan ang opinyon ng publiko.

“Mas mahalaga, ang tono at nilalaman ng pahayag ng Pangalawang Pangulo ay nagpapakita ng takot kaysa katotohanan. Tila nakatuon ito sa kanyang political base upang hubugin ang opinyon ng publiko sa pamamagitan ng mga mapanlinlang na naratibo,” aniya.

Binigyang-diin ng lider ng Kamara na ang mga proseso ng impeachment ay sumusunod sa mga umiiral na patakaran sa Konstitusyon at parlyamento.

“Ang proseso ng impeachment ay pinamamahalaan ng Konstitusyon, ng Rules of the House, at ng matagal nang umiiral na mga praktis sa parlyamento. Kung tunay na naniniwala ang Pangalawang Pangulo sa due process, dapat niyang harapin ang proseso nang may kalinawan at paggalang, sa halip na subukang siraan ito bago pa man matapos ang takbo nito,” sabi ni Chua.

Iginiit din niya na ipagpapatuloy ng Kamara ang pagtupad sa mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon.

“Hindi matitinag ang Kamara sa pagtupad ng tungkulin nitong konstitusyonal,” ani Chua.