Delima House Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima

De Lima inakusahan VP Sara na sinusubukang iwasan ang impeachment

96 Views

INAKUSAHAN nitong Biyernes ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima si Vice President Sara Duterte na umano’y sinusubukang umiwas sa proseso ng impeachment, at iginiit na nararapat lamang na mabigyan ng sagot ang publiko sa mga alegasyong inihain laban sa kanya.

Sa isang pahayag, sinabi ni De Lima na ipinapakita ng mga kamakailang pahayag ng Pangalawang Pangulo ang paglayo mula sa naunang retorika patungo sa tinawag niyang pagsisikap na iwasan ang mga pagdinig.

“From wanting a bloodbath, VP Sara is now once again trying to evade impeachment,” ani De Lima.

Binanggit din niya na umusad na ang proseso ng impeachment matapos magpasya ang House committee on justice na sapat sa anyo at nilalaman ang mga reklamong inihain laban kay Duterte.

“Na-impeach na nga sya noon, lumipas na ang mahigit isang taon, nagdeklara na ng ambisyon sa pinakamataas na posisyon, ayaw pa rin niyang sagutin ang mga akusasyon?” aniya.

Ipinaliwanag ng mambabatas na ang mga susunod na hakbang sa proseso ay natural na magsasangkot ng pangangalap ng ebidensiya at pagtukoy sa mga testigong magpapatibay sa mga alegasyong nakapaloob sa mga reklamo.

“Now that the House Committee on Justice has declared the impeachment complaints against her sufficient in form and substance, it is only natural to secure evidence and possible witnesses for the Committee – evidence already alleged in the complaint – for purposes of the next stage/s of the proceedings,” pahagay ni De Lima.

Idinagdag ni De Lima na magkakaroon din ng pagkakataon si Duterte na sagutin ang mga alegasyon sa loob ng proseso.

“May pagkakataon din naman siyang sagutin ang mga alegasyon, pero pilit nililihis na naman niya ang usapan,” saad ni De Lima.

Tinukoy din ng dating justice secretary ang kamakailang pagtutok ng Pangalawang Pangulo kay Ramil Madriaga, na binanggit bilang posibleng testigo sa mga pagdinig ng impeachment.

“Mula rin sa ayaw pansinin noon, sentro na ng atensyon ni VP Sara si Ramil Madriaga ngayon,” aniya.

“Kinasuhan na, may naiulat pang pagtatangka sa buhay at panunuhol para mapatahimik, at ngayon naman, pinupuna ang paglilipat sa kanya ng kustodiya para sa seguridad niya,” dagdag ni De Lima.

Sa gitna ng mga pangyayaring ito, sinabi ni De Lima na dapat tiyakin ng Kongreso ang kaligtasan ni Madriaga bilang mahalagang testigo sa kaso.

“Amid these threats and intimidations, Congress must ensure Madriaga’s safety for purposes of his intended testimony as a material witness,” aniya.

Binanggit din niya ang mga pahayag mula sa mismong kampo ng Pangalawang Pangulo hinggil sa pangangailangang maprotektahan ang testigo.

“Sinabi na rin ng abogado ni VP Sara na dapat lang na matiyak ang kaligtasan ni Madriaga para makapagbigay siya ng testimonya. Pero bakit parang kabado pa rin ang kliyente niya?” pahagay ni De Lima.