House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong

Chairman Adiong: Social media platforms dapat i-regulate kung palpak sariling polisiya laban sa fake news

40 Views

IGINIIT ni House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong, kinatawan ng Lanao del Sur, ang kahalagahan ng pag-regulate sa mga social media platform kung pumapalya ang kanilang internal policy laban sa fake news.

“Kailangan din natin magkaroon ng regulation sa pag-operate nitong mga social media platforms, itong mga creators, itong mga operators na ito because they have the full access and control of their algorithms,” ayon kay Adiong, na siya ring chairman ng House ad hoc committee on Marawi rehabilitation and victims compensation.

Sinabi ni Adiong na bagaman mayroon nang polisiyang pinapairal ang Meta, na siyang may-ari ng Facebook at Instagram, hindi naman ito sapat upang masawata ang pagkalat ng maling impormasyon.

“‘Yung policy, ‘yung internal policy nila kasi, for me, it does not work to really safeguard their platforms from becoming the space to generate fake information and fake news,” saad pa ni Adiong.

Binigyang-diin ni Adiong na ang isyu ay pandaigdigan at nararapat lamang na sundan ng Pilipinas ang hakbang ng ibang mga bansa sa pag-regulate sa mga social media platform.

“If their internal policy is not sufficient then the government has to step in. Hindi lang ho ito bago sa mundo. There are a lot of countries who also regulate the operation of social media platforms and operators like Meta,” paliwanag ni Adiong.

Bilang halimbawa, binanggit ni Adiong ang Protection from Online Falsehoods and Manipulation Act ng Singapore.

“In fact, in Singapore, the government has already adopted and approved the Protection from Online Falsehoods and Manipulation Act. Singapore is one of the most progressive countries in Southeast Asia. So if they can do it, why can’t we?” wika ni Adiong.

Nanawagan din ang mambabatas mula sa Mindanao para sa isang panukalang batas na hindi lamang lalabanan ang fake content kundi pati ang paraan ng pagkalat nito sa online platforms.

“Ako ang paniniwala ko, dapat kung nais nating magkaroon talaga ng mas magandang panukalang batas na magre-regulate sa traffic sa online and online spaces ng discourse, hindi lang natin ire-regulate at mag-set ng standard kung ano dapat ang nababasa, naririnig ng ating publiko, but ‘yung paraan kung paano nila ito ma-upload,” paliwanag niya.

Giit ni Adiong, kailangang panagutin ang social media platforms, ngunit upang maging bahagi sila ng solusyon, dapat manguna ang gobyerno.

“So, it’s very important that the operators of this platform, social media platforms also need to be part of this solution. And by becoming part of the solution, the government really has to step in and probably the Congress needs to pass a bill in regulating this fake news,” ani Adiong.

Ibinahagi ni Adiong ang mga pahayag makaraan ang pagdinig ng House tri-committee tungkol sa paglaganap ng fake news at disinformation online.

Nagpahayag din ng suporta para sa mas mahigpit na regulasyon ang ilang mambabatas, dating opisyal ng pamahalaan at mga personalidad sa media — kabilang na si dating Vice President Noli De Castro — na ibinahagi ang kanilang karanasan bilang biktima ng fake news.

Bukod sa regulasyon, hinimok din ni Adiong ang paglikha ng batas na magpapahintulot sa gobyerno na makasingil ng patas na buwis mula sa platform operators at content creators na kumikita sa digital content.

“Dapat talaga ho magkaroon tayo ng panukalang batas, hindi lang po doon sa mga fake news, but also to explore on how the government can really earn an additional revenue from all these platforms,” dagdag niya.

Binanggit din niya na hanggang ngayon ay wala pang malinaw na polisiya ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ukol sa pagbubuwis sa digital platforms at mga operator nito.

Nang tanungin umano ng mga mambabatas ang ahensiya tungkol sa mga mekanismong magtitiyak na tama ang binabayarang buwis ng mga ito, wala pa rin silang malinaw na sagot, ayon kay Adiong.

Dagdag pa niya, habang tungkulin ng gobyerno na pangalagaan ang kalayaan sa pamamahayag, tungkulin din nitong hadlangan ang pagkalat ng mapanlinlang na impormasyon at tiyakin ang tamang koleksyon ng kita ng estado.

“I believe the government also needs to see that angle — kung paano magkaroon ng hindi lang ho malayang pamamahayag, but malaya in a sense na hindi ho mabigyan ng maling impormasyon ang ating publiko,” pagtatapos ni Adiong.