Calendar
CHAVIT AKYAT SA POLL RATING
DAHIL sa pag-akyat ng kanyang grado mula 14.71 porsyento hanggang sa 26 porsyento, tila naging “dark horse” ang ngayo’y tumatakbo sa pagka-senador na si Luis “Chavit” Singson, ayon sa pinakahuling datos mula sa Tangere na isang online polling body.
Base sa “The 2025 Pre-Election Senatorial Preferential Survey,” 11.29 porsyento ang itinaas ng grado ni Chavit kung ikukumpara sa nakaraang buwan, laban sa iba pang 66 na makakatunggali nito sa pagka-senador.
Batay naman sa isa pang survey provider na Pulso Ng Bayan, 22.75 porsyento naman ang itinaas ng kanyang grado, na siyang pinakamataas kumpara sa lahat ng mga senatoriables sa paparating na 2025 midterm elections.
Ayon sa “Team Chavit Singson,” bagamat nasa 20-23 na pwesto ang kanilang kandidato, lubos naman nila itong ikinagagalak at itinuturing na isang “positive development” na tanda ng lumalawak na suporta ng bayan sa kanyang pagtakbo.
Ani pa nila, lubos din nilang ipinagpapasalamat ang higit pang lumalawak na voter reach nito, lalo na sa National Capital Region at Northern, Central at Southern Luzon, at patuloy pang pagiibayuhin ang pag-abot lalong-lalo na sa mga rehiyon ng Visayas at Mindanao.
Tala naman ng mga political at social media analysts, malaki ang naging papel ng mga followers sa social media ni Singson kung saan siya ay pumangatlo sa lahat ng senatorial candidates na may social media following nitong katatapos lamang na buwan ng Nobyembre, na patuloy pang nangunguna at dumarami ngayong buwan ng Disyembre.
Bukod kay Singson, ang iba pang mga kandidato sa pagka-senador na nagkaroon ng bahagyang pagtaas sa poll rating ay sina Richard Mata (4.25 porsyento), Gringo Honasan (1.29 porsyento), Camille Villar (0.54 porsyento) at Imee Marcos (0.42 porsyento).
Ayon sa Tangere, ang survey na ito ay isinagawa noong Disyembre 11-13 na may 2,400 na respondents – ang 23 porsyento ay nagmula sa Northern Luzon, 23 porsyento sa Mega Manila, 20 porsyento sa Southern Luzon, 20 porsyento sa Visayas at 23 porsyento sa Mindanao. Ito ay may 95 percent confidence at margin of error na +/- 1.96.