De Vera

CHED: Estudyante, guro na hindi bakunado papayagan sa face-to-face classes

200 Views

PAPAYAGAN sa face-to-face classes ang mga estudyante at guro na hindi bakunado laban sa COVID-19, ayon sa Commission on Higher Education (CHED).

Sinabi ni CHED chairperson Prospero de Vera III na babaguhin na ang guidelines na ipinalabas noong Nobyembre 2021 kung saan ang mga fully vaccinated at guro lamang ang pinapayagan na pumasok sa limited face-to-face classes.

Ikinonsidera umano sa gagawing pagbabago ng CHED sa guidelines ang mas malawak na vaccination rate ngayon, ang low-risk classification ng bansa kaugnay ng COVID-19 pandemic, at ang mas konting nahahawa ngayon.

Sinabi ni de Vera na nasa 90 porsyento ng mga empleyado ng higher education institution (HEI) at nasa 77 porsyento ng mga estudyante ang bakunado na.

Ayon kay de Vera nakikipag-ugnayan din ang CHED sa Department of Health (DOH) kaugnay ng pagsasagawa ng mobile COVID-19 vaccination sa mga eskuwelahan.