Chief of staff Source: FB post

Chief of staff ni VP Sara ipapaaresto kung hindi sisipot sa pagdinig ng Kamara

120 Views

IPAAARESTO ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang chief of staff ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Zuleika Lopez kung hindi ito makadadalo sa pagdinig sa Miyerkules.

Umaasa ang mga miyembro ng komite na haharap na si Lopez sa pagdinig kaugnay ng paggastos ng kabuuang P612.5 milyong confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Ayon sa vice chairman ng komite na si Zambales Rep. Jay Khonghun mayroon silang impormasyon na dumating na si Lopez mula sa Estados Unidos kung saan nila inasikaso ang kanyang tiyahin.

“Ang balita ng komite is dumating na siya. So ine-expect natin sa Wednesday a-attend na siya dahil nga nakatanggap na siya ng subpoena,” ani Khonghun.

“So ine-expect natin na susunod siya sa imbitasyon ng komite at magpapakita na, at least para magbigay linaw patungkol sa gastos ng OVP tungkol sa confidential fund,” dagdag pa nito.

Ipinaalala naman ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang pangako ni Lopez na dadalo ito sa pagdinig pagbalik nito sa bansa.

“‘Yung reply letter naman niya nanduon she indicated na she will be back…sa (Nov.) 14th. Pero kailangan na i-honor niya iyon kasi napakahalaga niya po sa mga hearing na ito kasi siya po ang nagre-release (ng confidential funds) eh,” sabi ni Ortega.

“Mas marami po siyang masasagot na importanteng katanungan and hopefully she will shed light dito sa anomalya na nahanap po ng good government committee,” saad pa nito.

Noong nakaraang linggo na cite in contempt ng committee on good government and public accountability na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua, ang apat na opisyal ng OVP na hindi dumalo sa pagdinig.

Si Lopez ay hindi isinama sa ikinontempt sa mosyon ni Deputy Speaker David Suarez na bigyan ito ng isa pang pagkakataon.

Ang mga na-contempt ay sina Gina Acosta, OVP special disbursing officer; Lemuel Ortonio, OVP assistant chief of staff at Bids and Awards Committee chairman; Sunshine Fajarda, dating DepEd assistant secretary; at mister nito na si Edward Fajarda, dating DepEd special disbursing officer.

Apat na opisyal ng OVP naman ang dumalo sa pagdinig noong Nobyembre 11. Ito ay sina Rosalynne Sanchez, OVP administrative and financial services director; Julieta Villadelrey, OVP chief accountant; Kevin Gerome Tenido, OVP chief administrative officer; at Edelyn Rabago, OVP budget division officer-in-charge.

Ayon sa kanila wala silang direktang alam kung papaano ginastos ang P500 milyong confidential fund ng OVP na naubos mula Disyembre 2022 hanggang sa ikatlong quarter ng 2023.

Sina Duterte, Lopez at Acosta umano ang mayroong direktang alam kung papaano ginstos ang naturang pondo.

Dalawang opisyal din ng DepEd ang umamin sa pagdinig ng committee on good government na nakatanggap sila ng envelope na mayroong lamang pera mula kay Duterte noong ito pa ang pinuno ng ahensya.

Kinukuwestyon ng Commission on Audit ang naging paggastos ng confidential fund ng OVP at DepEd noong 2022 at 2023.