Calendar
China hindi sinagot pangungutang ng PH para sa 3 railway project
HINDI umano tumugon ang Chinese government sa hiling ng Pilipinas na pautangin ito para mapondohan ang tatlong malalaking railway project sa bansa.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Railways Cesar Chavez ito ang Calamba hanggang Bicol, Tagum-Davao-Digos na siyang unang railway project sa Mindanao at ang Clark Subic railway system.
Paliwanag ni Chavez inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang tatlong railway project na popondohan ng official development assistance (ODA) ng China.
Pero sa negosasyon na nagsimula noong 2018 ay hindi umano umusad ang pangungutang sa China.
Sumulat umano si dating Finance Secretary Carlos Dominguez III sa China pero hanggang sa pagbaba ng Duterte administration ay hindi ito tumugon.
“Our application for loan is considered withdrawn,” sabi ni Chavez kaugnay ng estado ng pangungutang matapos ang pagpasok ng bagong administrasyon.
Ang Philippine National Railways South Long Haul project o na mula Banlic, Calamba hanggang Daraga, Albay ay nagkakahalaga ng P142 bilyon at nakuha ng China Railway Group Ltd., China Railway No. 3 Engineering Group Co. Ltd., at China Railway Engineering Consulting Group Co. Ltd. (CREC JV) noong Enero.
Sa P83 bilyong Tagum-Davao-Digos segment ng Mindanao Railway Project ay hindi naman nakapagsumite ng listahan ng pagpipiliang contractor ang China.
Noong Enero 2019 pa dapat magsisimula ang kauna-unahang railway prpject sa Mindanao subalit naurong ng naurong ang petsa nito.
Ang P51 bilyong Subic-Clark Railway project ay napunta naman sa China Harbour Engineering Co. noong Disyembre 2020.
Sinabi ni Chavez na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumalik sa negotiation table para maituloy ang proyekto.