Chinese national binoga ng kababayan sa restoran, dedo

Edd Reyes Oct 19, 2024
6 Views

PATAY ang Chinese national nang pagbabarilin ng kapwa Chinese sa very important person (VIP) room ng hotpot restaurant sa San Antonio, Makati noong Miyerkules.

Nangyari ang insidente bandang alas-2:30 ng madaling araw at nasapol pa ng CCTV sa VIP room 1 ang sinapit ng dayuhan sa kamay ng kanyang kababayan.

Lumabas sa imbestigasyon na pumasok sa restaurant ang biktimang si alyas Liu, 29, kasama ang live-in partner na si Hu Dan, 33, at dalawang iba pa kabilang ang suspek dakong alas-7:45 ng gabi.

Kumain at nag-inuman ang dalawang Chinese habang pinag-uusapan ang umano’y transaksiyon sa negosyo ng bigas at mais.

Ayon kay Makati City Police Public Information Office chief P/Capt. Jenibeth Artista, posibleng napikon ang suspek sa biktima na noo’y lasing na at nakita pang nahulog sa upuan bago naghubad ng t-shirt.

Ilang sandali pa, tumayo na ang suspek na may hawak ng baril, habang tinangka pa siyang awatin ni Hu Dan subalit pinaputukan din ng sunod-sunod ang biktima matapos magpaputok paitaas.

Makaraan ang pamamaril, parang walang nangyari na lumabas ng VIP room ang suspek at sumakay sa itim na SUV na nahagip ng kuha ng CCTV ang plate number.

Isinugod pa ng kanyang live-in partner ang biktima sa Makati Medical Center subalit patay na nang idating doon dahil sa mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Nakuha naman sa pinangyarihan ng pamamaril ang walong basyo ng bala, dalawang metal jacket at limang fired bullets ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Nakipag-ugnayan na sa Land Transportation Office (LTO) ang pulisya at natuklasan na ilang beses ng naibenta sa iba’t-ibang buyer ang naturang sasakyan.