Calendar
Chinese nat’l na wanted sa China timbog sa NAIA
ISANG Chinese national na wanted sa Beijing dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na pagsusugal ang naaresto ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport 1 (NAIA) noong Sabado.
Kinilala ang naaresto na si Huang Sen, 38, na naharang sa departure area ng NAIA Terminal 1.
Inaresto si Huang matapos makita ng BI officer na mayroong positibong hit sa Interpol derogatory system ng bureau ang pangalan niya.
Ibinunyag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na isang red notice para sa pag-aresto kay Huang ang inilabas ng Interpol Beijing.
Ayon kay BI-Interpol unit acting chief Peter de Guzman, isang warrant of arrest laban kay Huang ang inilabas ng public security bureau ng Luojiang district sa Deyang, China noong Agosto 27, 2024.
Sinabi ni De Guzman na ang kaso nag-ugat sa alegasyon na si Huang nakipagsabwatan sa iba pang mga suspek sa pagpapatakbo ng mga ilegal na gambling site sa Internet na tumutugon sa mga online na kliyente sa buong mundo.
Iniulat na ang sindikatong pagsusugal ay gumamit ng serbisyo ng mahigit 70,000 katao na nag-udyok sa mahigit isang milyong Chinese na kustomer na magsugal sa kanilang mga website.
Tinatayang mahigit 700 bilyong yuan ($95 bilyon) ang nailagay bilang taya sa mga gambling activities na pinamamahalaan ng sindikato at kumita ang mga ito ng hindi bababa sa 2 bilyong yuan ($272 milyon).
Tinukoy ng mga awtoridad sa Tsina si Huang bilang umano’y pinuno ng betting department ng sindikato.