Calendar
CHIZ: BBM nanalo na kapag tumuloy malaking lamang sa Abril
INIHAYAG ni senatorial candidate at incumbent Sorsogon Gob. Chiz Escudero na posible na abot-kamay na ang tagumpay ni presidential bet Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa halalan sa Mayo 9 kung mapapanatili niya ang malaking kalamangan sa mga survey sa susunod na buwan.
Ito ang sinabi ni Escudero sa isang panayam sa kanyang tahanan sa Sorsogon, isang araw bago ang caravan at campaign sortie ni Marcos at kanyang UniTeam sa probinsya.
“If numbers in surveys will not change by next month, chances are Bonget (BBM) will win it,” ayon kay Escudero patungkol sa mga survey na nananatili siyang lamang ng malaki sa mga kalaban.
Kasabay nito, pinanindigan din ni Escudero ang kanyang naunang pahayag na dapat ay hindi ma-disqualify si Marcos sa kanyang pagtakbo bilang pangulo dahil lamang sa mga isinampang kaso sa kanya sa Commission on Elections (Comelec).
“HIndi ko kabisado ang kaso ni BBM sa disqualification case, pero mas gusto ko mag-desisyon ‘yung 64 milyong botante kesa ‘yung pitong mahistrado ng Comelec at 15 mahistrado ng Korte Suprema,” giit ni Escudero at idinagdag pa niya na dapat husgahan si Marcos ng eleksyon sa Mayo 9.
Kaugnay naman ng mga survey result, iginiit niya na bagama’t lubhang malaki ang lamang at milya-milya ang layo ni Bongbong sa mga kalaban ay hindi pa rin dapat magpaka-kampante ang kampo ni Marcos.
“It is not yet over until the fat lady sings,” diin ni Escudero.
“Huwag pa ring tumigil dahil survey lamang ‘yan. Snapshot lamang ‘yan ng opinyon ng ating taong-bayan kung sino ang iboboto nila nung kinuha ang survey. Pwede at posible pa ring magbago,” dagdag niya.
Nanatili naman si Escudero sa kanyang naunang pahayag na wala siyang ieendorsong pangulo at bise presidente sa darating na halalan kaya bukas ang kanilang probinsya sa lahat ng mga kandidato.
“Hindi para sa akin bilang gobernador ng aming lalawigan na pumili para sa aming mga kababayan. Gusto ko makita at makilala nila ng personal ang lahat ng tumatakbo para personal din silang makapanuri kung sino ang kanilang magiging paborito at iboboto at susuportahan,” paliwanag ni Escudero.
“Naniniwala naman ako na lahat naman sila ay mayroong kakayahan,” aniya.
Pero inamin niya na sa lahat ng mga kandidato sa pagka-pangulo, si Marcos ang pinakamalapit sa kanya dahil matagal na niya itong kaibigan at naging ninong niya rin ito sa kanyang kasal sa unang asawa.
“Actually I’m closer personally to Bonget (BBM’s nickname) than to Vice Pres. Leni. Just how I addressed him I guess already shows who I’m closer to. One being addressed with the title, the other using a nickname that’s only his close friends use,” paliwanag ni Escudero.