Chiz Escudero

Chiz ipinahayag hakbangin ng Senado ukol sa EJK probe

85 Views

IPINAHAYAG ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero ang mga hakbangin ng Senado upang matiyak ang patas na pagdinig habang naghahanda ang Mataas na Kapulungan para sa imbestigasyon ng Duterte administration kaugnay ng war on drugs, na kilala rin bilang Extrajudicial Killings (EJK).

Sa isang panayam, tiniyak ni Escudero na walang intimidasyon na magaganap sa mga testigo at binigyang-diin niya na susunod ang Senado sa mahigpit na proseso upang protektahan ang kanilang mga karapatan at tiyakin na ang lahat ng hakbang ay alinsunod sa mga itinakdang pamamaraan.

Ang imbestigasyon ng Senado, na tatalakay sa mga alegasyon ng extrajudicial killings sa ilalim ng kampanya laban sa droga, ay inaasahang pamumunuan ng Blue Ribbon Committee sa ilalim ni Sen. Pia Cayetano.

Pinayuhan ni Escudero si Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, na ang pangalan ay nabanggit sa drug war, na hindi tamang siya ang manguna sa gagawin na imbestigasyon upang maiwasan ang anumang conflict of interest lalo’t nabanggit ang kanyang pangalan sa QuadComm sa Kamara.

Agad naman sumang-ayon ng walang kwestiyon sa rekomendasyon na ito ni Escudero kung saan ay kusang tinanggap ni Dela Rosa na hindi ang kanyang komite ang hahawak.

“Laging may posibilidad na ang mga testigo ay makaramdam ng intimidation,” ayon kay Escudero, na tumutukoy sa mga alalahanin na maaaring magdalawang-isip ang mga testigo na magpatotoo laban sa mga makapangyarihang personalidad na kasangkot sa kampanya.

Tiniyak ni Escudero sa publiko na lahat ng aksyong gagawin sa mga pagdinig, kabilang ang anumang motion para sa contempt, ay isasagawa nang may due process. “Bago pa nga dumating sa akin, pwedeng pagbotohan pa yan sa komite. Kapag nakalampas lang yun sa botohan, makakarating sa lamesa ko,” paliwanag niya, binigyang-diin ang mga checks and balances na nakapaloob sa proseso.

Tinalakay din ng Senate President ang konstitusyonal na karapatan ng inaakusahan na harapin ang mga testigo laban sa kanila, at sinigurado na igagalang ito sa mga pagdinig habang pinapanatili ang patas na proseso.

“Nasa ating Konstitusyon… na may karapatan ang isang inaakusahan na harapin ang tumetestigo laban sa kanya. Karapatan iyon na hindi pwedeng alisin,” aniya. Nilinaw ni Escudero na habang maaaring harapin ng mga inaakusahan ang mga tumetestigo laban sa kanila, gagawa ng hakbang ang Senado upang maiwasan ang anumang undue influence o intimidation sa mga pagdinig.

Inihayag ni Escudero na nais niyang simulan ang imbestigasyon habang naka-recess ang Senado upang sa pagbabalik ng sesyon ay makatutok ang kapulungan sa talakayan ng panukalang 2025 national budget. “Mas gusto ko sanang simulan ang imbestigasyon ngayong recess para sa pag-resume namin, mas makatutok kami sa panukalang budget para sa 2025,” sabi niya.

Gayunpaman, patuloy pa rin ang diskusyon sa mga senador tungkol sa timing ng mga pagdinig, bagama’t may mga ulat na maaaring magsimula ito sa susunod na linggo, ngunit wala pang tiyak na kumpirmasyon sa petsa.

Tungkol sa posibilidad ng pagdalo ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon, sinabi ni Escudero na ang anumang imbitasyon kay Duterte ay gagawin bilang paggalang at hindi inaasahan ang isang subpoena sa kasalukuyan.

“Imbitasyon lamang yun bilang pagkortesiya sa dating Pangulo… hindi sila lumalampas doon sa hindi pagsipot ni Pangulong Duterte at in-issue-han sila ng subpoena,” paglilinaw ni Escudero.

Matatandaang kapwa sina Sen. Bato Dela Rosa at Sen. Bong Go ay nagpahayag na hindi magdadalawang-isip si Duterte na dumalo sa pagdinig basta’t ito ay isasagawa sa Senado. Naiulat na si Senator Go ang nag-file ng resolusyon upang imbestigahan ang EJK sa Senado.

Magpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng war on drugs na nakatuon sa transparency, proteksyon ng mga testigo, at pagsunod sa itinakdang mga legal na pamamaraan.