Calendar

Chiz: Lahat ng ginagawa ng Senado dadaan sa botohan
MARIING tinutulan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mungkahi ni Senator Francis Tolentino na tapusin ang impeachment trial laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte bago magtapos ang termino ng ika-19 na Kongreso sa Hunyo 30.
Ayon kay Tolentino, kinakailangang magkaroon ng desisyon ang impeachment court bago magsimula ang ika-20 Kongreso, dahil umano sa limitasyong legal.
Ngunit binigyang-diin ni Escudero na walang probisyon sa Konstitusyon na nagsasabing kailangang matapos ang proseso bago magpalit ng Kongreso.
“Kaya sa 19th Congress ay hindi pwedeng i-bind ang 20th Congress. Kailangan pagpasyahan muli yan ng 20th Congress. Opinyon lamang ito ni Sen. Tolentino at hindi ng Senado,” pahayag ni Escudero.
Ipinaliwanag niyang ang susunod na Kongreso, na magbubukas sa Hulyo 28, ang may kapangyarihang magpasya kung itutuloy o hindi ang paglilitis ngunit nilinaw ni Escudero na pagtawid sa susunod na Kongreso ay legal at ayon sa itinatadhana ng batas.
Aniya, may mga precedent o naunang halimbawa ng mga kasong ipinagpatuloy sa bagong termino, tulad ng mga electoral protest sa Senate Electoral Tribunal na umaabot ng maraming taon.
Sa usapin ng interpretasyon sa salitang “forthwith” sa Article XI, Section 3(6) ng Konstitusyon, sinabi ni Escudero na ito’y hindi nangangahulugang “agad-agad” kundi “nang walang hindi makatwirang pagkaantala.”
“Forthwith pa rin ang Constitution nung hindi nag-trial ang Corona, Estrada at Gutierrez. Hindi naman nagbago ang provision ng Constitution, ayun pa rin. Nagreklamo ba kayo?” aniya.
Binatikos din niya ang sinasabing pagiging selective ng Kamara sa pagtupad ng mga tuntunin:
“Kung sasabihin mo rin yan, sa anong position at lugar ng Kamara ulitin ko. Sila hindi nila sinunod, hindi ang salitang forthwith kundi ang salitang immediately… Hindi ganun yan.”
Ayon pa kay Escudero, hindi pa nabubuo ang impeachment court dahil wala pa ni isang senador ang naghain ng mosyon para rito. “Sa ngayon wala namang humihiling noon,” aniya.
Ipinaliwanag din niyang may malinaw na proseso sa pagbubuo ng impeachment court: kailangan ng mosyon, deliberasyon, posibleng pagtutol, at botohan. Kapag nabuo ito, kailangang aprubahan pa ng korte ang trial schedule at format. “Kasama sa rules kasi ang schedule… So kasama yan sa aprobahan ng impeachment court,” dagdag niya.
Tinawanan din ni Escudero ang mungkahing isiksik ang buong paglilitis sa loob lamang ng ilang araw. “Very difficult to limit the presentation of evidence on both sides to 1 day each simply because you want it done at the soonest possible time,” paliwanag niya.
Nagbabala rin siya sa posibleng legal na epekto ng pagmamadaling ito: “Kung sinunod namin sila sa kagustuhan nila at nagkaroon pa ng dagdag na bala ang nasasakdal, maaaring iakyat sa SC at maging problema na naman nating lahat.”
Bilang pagtatanggol sa posisyon ng Senado, binigyang-diin ni Escudero ang kahalagahan ng legal na proseso at independensya ng institusyon.
Ipinaalala niyang hindi itinuloy ang impeachment kay dating Ombudsman Merceditas Gutierrez matapos siyang magbitiw. “Nag-resign si Mercy Gutierrez, dinismissed ng Senado, hindi nag-convene. Nagreklamo ba kayo?” tanong niya.
Bilang tugon sa mga paratang na siya raw ang humaharang sa proseso, sinabi ni Escudero: “Binuswak ko daw ang impeachment… In-attack ko ba? Hindi. Sinunod ko lamang Ang batas.”
Sa huli, muling iginiit ni Escudero na ang anumang magiging aksyon ng Senado ay dapat dumaan sa tamang proseso: “Lahat ng ginagawa ng Senado dadaan sa botohan.”
Aniya, malamang na ang magiging kapalaran ng impeachment ay ipapaubaya na sa ika-20th Kongreso dahil ang pagtawid aniya ay legal sa ilalim ng Konstitusyon.