Chiz

Chiz: PhilHealth kayang bawasan mandatory contribution ng mga miyembro

42 Views

SINABI ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero na kayang bawasan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mandatory contribution na binabayaran ng mga miyembro dahil sa malaking pondo na naipon sa loob ng maraming taon.

Ayon kay Escudero, mismong ang Department of Finance ang may tangan ng reserve fund ng PhilHealth na umaabot na sa halos P500 bilyon bukod pa ang malaking subsidy na ibinibigay ng gobyerno taun-taon sa state insurance firm.

Dahil dito, may sapat na pondo ang PhilHealth upang suportahan ang pagbabawas ng premium contributions ng mga miyembro nito.

“May mahigit kumulang P500 billion pa silang sobrang pera na pwedeng i-absorb kaugnay sa pagbabayad ng buwanang premium. Ang total subsidy ng pamahalaan para sa premium kada taon humigit kumulang P70 billion,” ayon kay Escudero.

Ang pambansang gobyerno nagbibigay ng taunang subsidy sa PhilHealth para sa implementasyon ng National Health Insurance Program na pangunahing sumasakop sa mga premium ng mga indirect contributors tulad ng mga mahihirap at senior citizens.

Noong 2021, umabot sa P71.3 bilyon ang subsidy ng PhilHealth na tumaas sa P80 bilyon noong 2022, P79 bilyon noong 2023 at bumaba sa P40.3 bilyon sa taong ito.

Ayon kay Escudero, kahit pa ang average na subsidy sa PhilHealth nasa P70 bilyon kaya pa rin ng gobyerno mag-reallocate ng malaking pondo para sa ibang layunin sa loob ng pitong taon kung at ang mga subsidy kukunin sa reserve fund ng ahensya.

Binigyang-pansin ng Senate President na nalulugi ang PhilHealth ng humigit-kumulang P20 bilyon bawat taon dahil sa hindi paggamit ng P500 billion reserve fund.

“Kaya para sa akin mas maganda na gamitin ang perang ‘yan para matulungan ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng dagdag na serbisyong medical o sa pagbaba sa binabayaran nilang premium,” dagdag ni Escudero.

Inaprubahan na ng Senado ang panukalang batas na naglalayong amyendahan ang Republic Act 11223 o ang Universal Health Care (UHC) Act upang ibaba ang premium rate para sa mga direct contributors ng PhilHealth.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2620, bababa ang premium rate ng PhilHealth sa 3.25% mula sa kasalukuyang 5% at unti-unting itataas sa 3.5% sa 2026, 3.75% sa 2027 at 4% sa 2028.

Ang panukalang batas na ito nasa Kamara na at may dalawang magkahiwalay na panukalang naglalayong amyendahan ang UHC Act.

Tulad ng ibang insurance products, sinabi ni Escudero na ang mga miyembrong nagbabayad ng mas mataas na premium dapat makatanggap ng mas mataas na case rates kung sakaling mangailangan ang mga miyembro ng atensyong medikal.

Binigyang-diin din ni Escudero na ang “adjustment mechanism” para sa premium at benepisyo nabanggit din mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ginanap na Legislative-Executive Development Advisory Council meeting sa Malacañang.