Calauan

Christmas package para sa 37K pamilya ibinigay sa Calauan

Gil Aman Dec 14, 2025
267 Views

NASA 37,000 pamilya ang tumanggap ng Christmas package mula sa pamahalaan ng Calauan, Laguna sa pangunguna ni Mayor Roseller Caratihan.

Ayon kay Mayor Caratihan, advocacy niya ang pamaskong programa upang ibalik sa mamamayan ang kanilang suporta at tiyaking maramdaman ang diwa ng Pasko.

Binigyang-diin niya na mahalagang mabigyan ng tulong ang bawat sambahayan lalo na sa panahon ng kapaskuhan.

Inihayag din ni Mayor Caratihan na pinaghahandaan na niya ang malaking proyektong pang-agrikultura, ang agriculture hydrological plan, para sa 2026.

Layunin nitong magtayo ng sistemang kokolekta ng tubig-ulan sa mataas na bahagi ng bayan upang magamit sa irigasyon ng mga palayan sa panahon ng tag-init.

Ang sistema ay makatutulong hindi lamang sa mga magsasaka kundi maging sa pangkalahatang seguridad sa pagkain ng Calauan.

Makapagbibigay rin ito ng mas epektibong pamamahala sa patubig at matagalang solusyong agrikultural na makaaangat sa kabuhayan ng mga residente.