Calendar
Chua: Bakit zero cash ang SALN mula 2019; walang espesyal na patakaran kahit sino ka pa
IGINIIT ni House Committee on Good Government and Public Accountability chair Joel Chua noong Huwebes ang pagtutol sa mga pahayag ni Davao City Rep. Isidro Ungab na nagtatanggol kay Vice President Sara Z. Duterte, at sinabing ang pagtatangkang maliitin ang findings ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ay hindi tinutumbok ang pinakapayak ngunit pinakamabigat na isyu: anim na sunod-sunod na taon ng SALN na nagdedeklara ng zero cash on hand at zero cash in bank.
Ayon kay Chua, abogado at miyembro ng House Committee on Justice, ang argumento ni Ungab na kumakalat sa social media— na dapat umikot lamang ang usapin sa humigit-kumulang P63.8 milyon noong panahon ni Duterte bilang bise presidente, sa halip na sa mas malawak na halagang P3.92 bilyon—ay hindi nilulutas ang pangunahing kontradiksyon.
“Ang punto dito ay hindi kung alin sa dalawang halaga ang paniniwalaan. Kahit alin pa diyan, nananatili ang tanong: bakit zero ang dineclare mong cash on hand at cash in bank sa SALN mo mula 2019?” tanong ni Chua.
Para kay Chua, ang usapin ay nauuwi sa isang prinsipyong dapat umiral sa buong pamahalaan:
“Hindi ito laban ng malaki o maliit na halaga. Ito ay laban ng pantay na pagpapatupad ng batas. Walang special rule sa SALN—kahit sino ka pa,” aniya.
Binigyang-diin niya na ang isyu ay hindi tungkol sa laki ng mga transaksyon kundi sa tapat at kumpletong pagbubunyag sa isang sinumpaang salaysay na kinakailangan sa lahat ng opisyal ng gobyerno.
“Paglabag ito sa kabanalan ng SALN. Hindi ito usapin ng interpretasyon—ito ay usapin ng pagsunod sa malinaw na obligasyon sa batas,” dagdag niya.
Ipinunto rin ni Chua ang pagiging patas at pantay na pananagutan sa burukrasya, at inihambing ito sa karaniwang empleyado ng gobyerno.
“Yung mga simpleng empleyado ng gobyerno—kahit maliit ang kita—nagde-declare nang tama sa kanilang SALN. At kapag nagkamali sila, napaparusahan agad—nasususpinde o natatanggal sa serbisyo,” aniya.
“Ngayon, kapag Bise Presidente ka ba, exempted ka na sa rule na ito? May ibang standard ba para sa mataas na opisyal?” dagdag pa niya.
Ayon kay Chua, ang paraan ng paglalahad ni Ungab ay lalo pang nagpapakita ng kakulangan sa kredibilidad, dahil kahit ang mas maliit na halagang binabanggit ay kailangang ipaliwanag laban sa anim na magkakasunod na SALN na walang nakasaad na liquid assets.
“Kahit sa sarili nilang argumento, may bank transactions ka habang zero ang dineclare mong cash. Hindi nagtutugma. At ‘yan ang hindi nila masagot nang diretso,” ani Chua.
Binanggit ni Chua na ang mga naunang rekord na iniharap sa House Committee on Justice ay nagpapakita na ang mga SALN ni Duterte mula 2019 hanggang 2024 ay paulit-ulit na nag-ulat ng walang cash on hand o cash sa bangko, kahit pa tumataas ang kanyang net worth taon-taon.
“Ang pattern na iyon ang nagbibigay bigat sa findings ng AMLC. Hindi lang ito galaw ng pera—kundi ang malinaw na disconnect sa sinumpaang deklarasyon,” aniya.
Nagbabala rin siya sa publiko na huwag malinlang ng mga pagtatangkang paliitin ang usapin sa pagitan ng magkakaibang halaga.
“Ang SALN hindi press release, hindi spin, at hindi puwedeng pili-pili ang disclosure. Kung may pumapasok at lumalabas na pera sa sistema, obligasyon mong ilagay ‘yan sa SALN mo,” diin ni Chua.
Muling iginiit ng mambabatas ang pangunahing tanong na kinakaharap ngayon ng Bise Presidente: “Kung may bank transactions, bakit mula 2019 wala ni isang sentimong dineklarang cash on hand o cash in bank?”
Lalong umigting ang isyu matapos ang mga isiniwalat ng AMLC na nagpapakitang ang mga account na iniuugnay kay Duterte at sa kanyang asawang si abogadong Manases Carpio ay may bilyun-bilyong halaga ng covered at kahina-hinalang mga transaksyon sa mahabang panahon, na nagpatindi sa pagsusuri sa agwat sa pagitan ng aktuwal na galaw ng pananalapi at ng sinumpaang mga deklarasyon.

