Calendar
Chua: Selyadong tax records posibleng gamitin ni VP Sara pang-depensa
NANGANGAMBA si House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na posibleng gamitin ni Vice President Sara Z. Duterte bilang depensa niya ang mga selyadong tax records.
Sinabi ni Chua, chairman ng House Committee on Government and Public Accountability, na ang mga selyadong tax records na hinihiling nilang makuha ay maaari ring magsilbing depensa ni Vice Duterte kung mapapatunayan ng mga ito na ang kanyang kinita at mga ari-arian na kinukuwestiyon sa impeachment case ay nagmula sa mga lehitimong pinagkukunan.
Ayon kay Chua, wala pang nakakakita sa nilalaman ng mga rekord mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kaya posible umanong pabor pa ito sa panig ng Bise Presidente at hindi lamang sa prosekusyon.
“Sa amin naman kasi, kung wala naman talagang tinatago, sa totoo lang, hindi rin naman namin alam kung ano ang laman ng kahong ito.
Kaya posible pa ngang maging pabor ito sa kanila kung mapapatunayang lehitimo ang kanilang mga pinagkakakitaan,” sabi ni Chua
Hiniling ng House prosecution panel ang mga dokumentong ito kaugnay ng Article II ng Articles of Impeachment na nag-aakusa sa Bise Presidente ng umano’y pag-iipon ng yaman na hindi naaayon sa kanyang legal na kita at ng hindi tamang pagdedeklara ng mga ari-arian.
Noong pagdinig ng House Committee on Justice, nagsumite ang BIR ng mga selyadong dokumento, ngunit ipinagpaliban ng komite ang pagbubukas ng mga ito.
Sa halip, hiniling ng prosekusyon sa Senate Impeachment Court na magpalabas ng subpoena upang makakuha ng mga sertipikadong kopya ng naturang mga rekord.
Batay sa inaprubahang Articles of Impeachment ng Kamara, kabilang sa mga batayan ng reklamo ang idineklarang net worth ni Duterte at ang umano’y bilyun-bilyong pisong financial transactions na lumabas sa mga ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), upang matukoy kung naaayon ang mga ito sa kanyang iniulat na legal na kita.
“Sabi ko nga, maaari rin naman itong maging pabor sa kanila kung talagang lehitimo ang kanilang mga pinagkukunan ng yaman,” ani Chua.
Iginiit niya na mahalagang maiharap ang mga tax records upang magkaroon ng pagkakataon ang mga senator-judges na ihambing ang mga alegasyon sa aktuwal na mga dokumento, sa halip na umasa lamang sa mga pahayag ng magkabilang panig.

