Calendar
Kaso ‘di hihina kahit impeachment court ‘di payagan makuha bank records ni VP Duterte–Adiong
NILINAW ng House prosecution team na hindi hihina ang kanilang kaso laban kay Vice President Sara Duterte sakali mang hindi payagan ng Senate Impeachment Court na makuha ang mga bank records ni Duterte.
Ayon sa prosekusyon, ang kanilang kaso laban kay VP Sara ay hindi nakasalalay sa iisang hanay lamang ng mga rekord sa pananalapi pero umaasa ang prosecution team na isasaalang-alang ng Impeachment Court ang mga hinihinging bank records, tax records at mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) bilang bahagi ng pagsusuri sa mga alegasyon.
Ipinaliwanag nina House impeachment trial spokesperson na sina Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at House prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. na “hindi naman nakabase sa iisa o dalawang ebidensya lang ang Articles of Impeachment. Mayroon pa kaming iba pang documentary at testimonial evidence.”
Humihiling ang prosekusyon ng mga subpoena upang makuha ang mga rekord sa pananalapi ni Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Manases “Mans” Carpio, kaugnay ng Article II ng Articles of Impeachment.
Nakapaloob dito ang mga alegasyon tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman o unexplained wealth at ang tamang pagsisiwalat ng mga ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente.
Ayon kay Tolosa, kahit mayroon na silang iba pang ebidensya, hindi ibig sabihin nito na hindi na mahalaga ang mga hinihinging dokumento. Kung saan, layunin nilang maipakita sa impeachment court ang buo at kumpletong larawan ng mga pangyayari.
Sinabi ni Adiong na ang pangunahing tanong ay kung dapat bang magpasya ang mga senator-judges nang hindi muna nakikita ang mga dokumentong maaaring mahalaga sa kaso.
“Kailangang mabigyan ng pagkakataon ang impeachment court na masuri at makita ang lahat ng kinakailangang ebidensya upang ang kanilang magiging hatol ay kumpleto at hindi nakabatay lamang sa mga palagay o haka-haka,” ani Adiong.

