DPWH

CIDG sinubpoena 80 tauhan ng DPWH kaugnay ng ghost flood control projects

Alfred Dalizon Nov 20, 2025
489 Views

NAG-ISYU ng subpoenas ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa 80 opisyal at empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasabay ng nagpapatuloy na malawakang imbestigasyon sa multibilyon-pisong ‘ghost flood control projects’ sa bansa, ayon sa impormasyong nakuha ng Journal Group nitong Huwebes.

Ngayong linggo, nakatakda ring maglabas ng karagdagang subpoenas ang PNP-CIDG sa pangunguna ni Major General Robert Alexander A. Morico II, sa iba pang tauhan ng DPWH sa buong bansa kaugnay ng mga iregularidad sa mga proyektong pang-imprastraktura na iniimbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), alinsunod sa Executive Order No. 94.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10973, may kapangyarihan ang CIDG Director at Deputy Director for Administration gayundin ang PNP Chief na mag-isyu ng subpoenas at subpoenas duces tecum o utos na magsumite ng mga dokumento sa sinumang indibidwal o grupo na iniimbestigahan.

Ang hindi pagsunod sa CIDG subpoena ay maaaring magresulta sa kasong indirect contempt sa Regional Trial Court.

Noong nakaraang linggo, idinaos ang command conference ng ICI sa PNP headquarters sa Camp Crame. Pinagsama-sama ng pulong ang mga pangunahing investigative at prosecutorial agencies ng bansa upang talakayin ang mga anomalya sa flood control at infrastructure projects.

Dumalo sa conference ang mga pangunahing opisyal ng ICI gayundin ang mga kinatawan mula sa Office of the Ombudsman, Department of Justice, National Bureau of Investigation, Armed Forces of the Philippines, DPWH at PNP.

Tinalakay ng mga opisyal ang pagtutugma ng kanilang mga estratehiya para sa case validation, intelligence-gathering at prosecution.

Binigyang-diin ni Acting PNP Chief Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mahalagang papel ng kapulisan sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

“Bilang Philippine National Police, may sagrado kaming tungkulin na tiyaking ang bawat imbestigasyon ay isinasagawa nang may ganap na integridad. Mula sa pag-secure ng ebidensiya hanggang sa pagmamanman ng operasyon, sinisiguro naming walang puwang para sa pagkakamali o kompromiso. Dapat magtiwala ang publiko na bawat hakbang na aming ginagawa ay transparent, accountable, at nakatuon sa paghahatid ng hustisya para sa sambayanang Pilipino,” aniya.

Nagpunta si ICI Special Adviser at dating PNP Chief Rodolfo S. Azurin Jr. sa Vintar, Ilocos Norte noong nakaraang linggo upang suriin ang mga flood control projects sa naturang bayan kasama si DPWH Undersecretary Arthur V. Bisnar.

Ayon sa dating PNP chief, nakatakda nilang imbestigahan ang mga flood control projects sa Ilocos ngayong linggo bago tumungo sa mga katulad na proyekto sa binagyong Cebu.

Iniimbestigahan ng ICI ang 80 proyekto na kinasasangkutan ng nangungunang 15 government contractors na nauna nang pinangalanan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ilan sa mga dumalo sa conference ay sina ICI Chairperson retired Justice Andres B. Reyes Jr., ICI Commissioners Rogelio L. Singson, Azurin, Gen. Ariel Caculitan, Attorneys Raymond Rojas at Rufino Mantos III, DPWH Secretary Vince Dizon, AFP Chief of Staff General Romeo S. Brawner Jr., at Lt. Gen. Nartatez.

Layunin ng conference na beripikahin ang mga pangunahing “ghost projects,” palawakin ang saklaw ng imbestigasyon sa buong bansa at pagandahin ang koordinasyon ng mga inter-agency teams na responsable sa inspections, documentation at paghahain ng kaso.

Sa isang panayam matapos ang conference, sinabi ni Dizon na marami pang site ang kailangang bisitahin sa mga susunod na araw.

Ayon pa kay Dizon, ilang kaso ang nakatakdang ihain sa Sandiganbayan sa darating na mga araw, kung saan ang unang batch ay kinabibilangan ng mahigit 40 indibidwal na may kaugnayan sa non-bailable offenses.

Binigyang-diin naman ni PNP spokesperson Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño ang walang patid na suporta ng kapulisan sa pinagsamang investigative efforts.

“Lubos na nakatuon ang Philippine National Police sa pagpapatatag ng investigative at intelligence efforts ng ICI at mga katuwang na ahensya. Nagbibigay ang ating mga pulis ng mahahalagang impormasyon at tumutulong sa pagbuo ng matitibay na kaso, upang matiyak na ang bawat lead ay sinusundan at ang bawat iregularidad ay masusing sinusuri,” aniya.