BIR

LOA ng BIR ginagamit sa kotong ng ilang tauhan — Tulfo

315 Views

IBINUNYAG sa Senado ang umano’y pag-abuso ng ilang tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa paggamit ng Letter of Authority (LOA), na sinasabing nagiging sandata para sa pangingikil at pananakot sa mga negosyante.

Sa pagtalakay ng pambansang budget, sinabi ni Senador Raffy Tulfo na maraming maliliit at katamtamang negosyo ang napipilitang “makisama” dahil sa pananakot ng ilang BIR examiner. “Mr. President, as we all know, ang Letter of Authority o LOA ay nagagamit ng BIR personnel para mangharas at mang-extort ng pera sa mga negosyante,” aniya.

Ipinunto ng senador ang karaniwang modus. “Halimbawa P5 million. Pero ang arrangement — yung P1 million may resibo, yung P2 million wala, ‘for the boys’ daw. It’s a common practice, Mr. President,” sabi niya.

Tinukoy din niya ang “sit-down audit,” kung saan nakaupo ang examiner sa loob mismo ng tindahan o opisina. “Mayroon pa pong tinatawag na ‘sit-down audit’ — literal na may examiner na uupo sa loob ng tindahan o opisina… para mapressure ang negosyante na ‘kumilos,’” aniya.

Kinumpirma ni Senador Sherwin Gatchalian na matagal nang problema ang pang-aabuso sa LOA at mismong si Senador JV Ejercito ang nagbabala na ito ay nagiging “weaponized.” “In fact, si Senador JV Ejercito nga po ang nagsabi noon na ang LOA ay naging ‘weaponized’ laban sa mga taxpayers,” aniya.

Ayon kay Gatchalian, nangako ang bagong BIR Commissioner na ire-review ang mga patakaran sa LOA at paiigtingin ang paggamit ng Electronic LOA Monitoring System. “Lililipat na tayo sa electronic LOA… Mayroon na pong Electronic LOA Monitoring System pero hindi pa fully utilized,” aniya.

Nagbabala rin si Tulfo na may reklamo laban sa Revenue Integrity Protection Service (RIPS) ng DOF, na aniya’y dapat ding isailalim sa pagbusisi. May nagsasabi umano na “mas kurap pa kaysa sa BIR examiner” ang ilang personnel doon.

Sumang-ayon si Gatchalian at sinabing dapat may regular na lifestyle checks sa RIPS. “Tama po ang punto… kailangan din ng periodic lifestyle checks para sa RIPS mismo,” aniya.

Giit ni Tulfo, malaking dagok sa integridad ng tax system ang ganitong gawain. “Ang taxpayers po ang naghihirap dito,” aniya.