Co

Co: May depensa ba sila o plano lang sirain testigo ng prosecution?

56 Views

SINABI ni House trial spokesperson Atty. Renee Co ng Kabataan Party-list nitong Miyerkules na ang pre-trial brief na inihain ng depensa ni Bise Presidente Sara Z. Duterte ay nagbubukas ng isang mahalagang tanong na nararapat pagtuunan ng pansin ng publiko: Mayroon ba talagang ihaharap na makatotohanang depensa ang kampo ng Bise Presidente, o ang kanilang estratehiya ay basta na lamang kuwestiyunin ang kredibilidad ng mga testigo ng prosekusyon?

“Matapos naming suriin ang kanilang pre-trial brief, isang tanong ang agad na pumapasok sa isip: May sarili ba silang depensa, o ang plano lang ba ay sirain ang mga testigo ng prosecution?” ani Co.

Ayon kay Co, marami sa mga testigo at dokumentong nakalista sa pre-trial brief ng depensa ay tila kapareho rin ng mga testigo at rekord na nauna nang tinukoy at iniharap ng prosekusyon.

“Walang masama sa paggamit ng mga dokumento o testigong bahagi na ng rekord. Karapatan iyon ng bawat panig. Pero ang tanong: Nasaan ang mga testigong magpapaliwanag sa panig ng Bise Presidente? Nasaan ang mga testigong magsasabi kung bakit mali ang mga alegasyon laban sa kanya?” tanong ni Co.

“Kung halos pareho rin ang mga testigo at dokumentong ginagamit, baka ang plano ay hindi maglatag ng sariling bersyon ng katotohanan. Baka ang plano ay kuwestiyunin lamang at atakehin ang mga testigo ng prosekusyon.”

Binigyang-diin ni Co na magkaiba ang pag-atake sa mga testigo at ang aktuwal na paghaharap ng depensa.

“Magkaiba po iyon. Ang isang depensa ay hindi lamang naghahanap ng butas sa kabilang panig. Ang isang depensa ay naglalatag ng sariling paliwanag. Nagpapakita ng sariling ebidensya.

Nagpapaharap ng mga testigong may personal na kaalaman sa mga pangyayari,” paliwanag niya.

“Kung puro pag-atake sa testigo ang maririnig ng taumbayan, hindi pa rin masasagot ang pinakamahalagang tanong: Ano ba talaga ang paliwanag ng Bise Presidente sa mga alegasyon?” dagdag niya.

Ayon sa tagapagsalita ng paglilitis ng Kamara, hindi interesado ang karaniwang Pilipino sa mga teknikal na maniobrang legal kundi sa pag-alam ng katotohanan.

“Hindi naman abogado ang karamihan sa ating mga kababayan. Ang gusto lang nilang malaman ay simple: Totoo ba o hindi? Ano ang nangyari? Sino ang nagsasabi ng totoo?” diin ni Co.

“At para masagot ang mga tanong na iyon, kailangan ng mga testigong magpapaliwanag, hindi lamang mga testigong maninira ng ibang testigo. Ipaliwanag niya ang pagwawaldas ng confidential funds, ang yamang hindi niya idineklara sa SALN, at ang bilyun-bilyong transaksiyon sa bangko,” alegasyon ni Co.

Binigyang-diin din niya na bukas ang House prosecution panel sa anumang testigong nais iharap ng depensa at ganap nilang iginagalang ang karapatang konstitusyonal ni Bise Presidente Duterte na ipagtanggol ang sarili.

“Sa katunayan, gusto naming marinig ang kanilang mga testigo. Gusto naming makita ang kanilang mga ebidensya. Gusto naming marinig mismo ang kanilang paliwanag,” ani Co.

“Kung naniniwala silang mali ang mga alegasyon, ito na ang pagkakataon upang patunayan iyon sa harap ng impeachment court at ng sambayanang Pilipino,” dagdag niya.

Gayunman, sinabi ni Co na nag-iiwan pa rin ng maraming tanong ang pre-trial brief ng depensa kung makakarinig ba ang publiko ng malinaw na paliwanag mula sa kampo ng Bise Presidente o puro pag-atake lamang sa ebidensya ng prosekusyon.

“Ang impeachment trial ay hindi paligsahan kung sino ang mas magaling manira ng testigo. Ang layunin nito ay malaman ang katotohanan,” aniya.

“Hindi sapat na sabihing mali ang testigo. Kailangang ipakita rin kung ano ang tama. Hindi sapat na kuwestiyunin ang ebidensya. Kailangang maglatag din ng sariling ebidensya,” sabi ni Co.

“Sa loob ng maraming buwan, naghihintay ng mga sagot ang sambayanang Pilipino. Ang hinihintay nila ay hindi paninira ng testigo. Ang hinihintay nila ay paliwanag.”

“At iyan ang pinakamahalagang tanong na iniwan ng defense pre-trial brief: May depensa ba talaga silang ihaharap, o plano lang nilang sirain ang mga testigo ng prosekusyon?” pagtatapos ni Co.