Calendar
Majo Marcos ikinatuwa pagkahalal kay Gatchalian bilang Senate President; sinabi na maaari nang tutukan ng Senado nakabinbing gawain
IKINATUWA ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ng Ilocos Norte nitong Miyerkules ang pagkahalal kay Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President, at sinabing magbibigay ito ng pagkakataon sa Senado na malampasan ang sigalot sa liderato at muling pagtuunan ng pansin ang mga nakabinbing gawain.
“Sa ngalan ng Kamara, nais naming batiin si Senate President Sherwin Gatchalian. Inaasahan namin ang pakikipagtulungan sa kanya,” ani Marcos sa isang ambush interview.
Ayon sa lider ng Kamara, ang pagkahalal ni Gatchalian ay nagbibigay ng pagkakataon sa Senado na makausad mula sa ilang linggong tensiyon sa loob ng institusyon na nakaapekto sa kanilang trabaho.
Aniya, ang ugali at istilo ng pamumuno ng bagong Senate President ay angkop upang maibalik ang katatagan at pokus sa Senado.
“Nakatrabaho ko na siya at alam ko kung gaano siya kahinahon at kapraktikal mag-isip. Kaya sa tingin ko, iyan mismo ang kailangan ng kasalukuyang klima ng pulitika, lalo na sa Senado—ang pagiging kalmado at ang pangangailangang makabalik tayong lahat sa trabaho,” sabi ni Marcos.
Binanggit ng Majority Leader na marami pang mga usaping kailangang aksiyunan ng Kongreso sa panahon ng espesyal na sesyon na ipinatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kahit na naaprubahan na ng Kamara ang marami sa mga prayoridad na panukala ng administrasyon.
Sinabi niya na hinihintay pa ng mga miyembro ng Kamara ang ratipikasyon ng ilang ulat ng bicameral conference committee, habang inaasahang tatalakayin naman ng Commission on Appointments ang mga nakabinbing promosyon at appointment, kabilang ang mga may kinalaman sa matataas na opisyal ng militar.
“Nakapagpasa na kami ng ilang resolusyon, naghihintay kami ng ilang bicam reports para sa ratipikasyon, at siyempre ng aksiyon ng Commission on Appointments para sa pag-apruba at pagkumpirma ng mga nakabinbing usapin na may kinalaman sa Armed Forces of the Philippines,” aniya.
Ayon pa kay Marcos, ang hindi pagkakasundo sa liderato ng Senado ay nagdulot ng pagkaantala sa pagkumpirma sa ilang opisyal ng militar na nakatakdang ma-promote.
“Sa paniniwala ko, pito o walo silang mga heneral na dapat sana ay na-promote, ngunit dahil sa tunggalian sa liderato ng Senado ay hindi sila nakumpirma. Iyan ang hinihintay namin ngayon,” dagdag niya.
Pormal na nanungkulan si Gatchalian bilang Senate President matapos ang ilang linggong labanan para sa liderato na nagdulot ng halos pagkatigil ng maraming gawain ng kapulungan.

