Martin

Coffee chain atras sa bawas-discount sa seniors

Mar Rodriguez Jan 17, 2024
135 Views

MATAPOS ipag-utos ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsasagawa ng imbestigasyon, iniatras ng isang sikat na coffee chain ang paglimita sa nakukuhang 20 porsyentong diskwento ng mga senior citizens at persons with disabilities (PWD).

Sa pagdinig ng House committee on ways and means, inamin ng operations director ng nasabing coffee chain ang naging pagkakamali sa paglimita sa ibinibigay na diskwento at sinabi na agad umanong ipinatanggal ang maling signage na naipaskil sa mga outlet nito.

Nakasaad sa kontrobersyal na signage ng coffee chain na ang discount ay ibibigay lamang sa isang food item at isang inumin.

Ipinag-utos ni Speaker Romualdez ang pagsasagawa ng imbestigasyon matapos na makatanggap ng ulat na hindi nasusunod ang pagbibigay ng discount sa mga PWD at senior citizen. Si Speaker Romualdez ang pangunahing may-akda ng batas na nagbibigay ng diskwento sa mga senior at PWD.

Isa sa mga reklamong natanggap nito ang paglimita ng coffee chain sa maaaring bigyan ng 20 porsyentong discount.

Sinabi ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na kung hindi pa nagpatawag ng imbestigasyon si Speaker Romualdez ay hindi babawiin ng coffee chain ang pagkakamali nito.

Nagpasalamat naman si Parañaque City Rep. Gus Tambunting kay Speaker Romualdez. “Salamat sa ating Speaker. Sana mabawas-bawasan na ang pang-aagrabiyado sa ating mga senior citizen at PWD,” anito.

Tinukoy din ni Speaker Romualdez ang pagsasampa ng kaso ng Pasig Prosecutor’s Office laban sa dalawang opisyal ng isang hotel sa Pasig City na tumangging magbigay ng discount sa parokyanong senior citizen.

Ayon kay Salceda ang 20 porsyentong discount ay dapat ibigay sa mga senior citizen at PWD maging promotional man ang kanilang presyo o hindi.

“The application of these laws should be universal,” sabi ni Salceda.

Dapat ay ibinibigay din umano ang discount kahit na sa pagbili online, kasama ang mga airline tickets.

Itinulak din ni Macalintal ang pagbabalik ng ibinibigay na discount sa mga senior citizen at PWD sa paggamit ng expressways at skyway.

Ayon kay Salceda magrerekomenda ang komite ng mga remedial legislation at regulasyon upang maitama ang mga kalituhan sa pagpapatupad ng batas na nagbibigay ng discount sa mga senior citizens, PWDs at solo parents.

“The Speaker wants us to scrutinize compliance with these laws by business establishments and service provides and ensure their proper and effective implementation,” dagdag pa ni Salceda.