DHSUD

Collab para sa klima, devt pinatibay ng DHSUD, UN-Habitat

Jun I Legaspi Apr 25, 2025
25 Views

PINALAKAS ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at United Nations Human Settlements Programme (UN-Habitat) ang ugnayan nila sa high-level bilateral cooperation meeting sa tanggapan ng DHSUD.

Layunin ng pagpupulong na pagtibayin ang kanilang pangako sa inklusibo, matibay sa klima at napapanatiling pagpapaunlad ng mga lungsod sa Pilipinas.

Dumalo sa pagpupulong si United Nations Undersecretary-General at UN-Habitat Executive Director Anacláudia Rossbach, kasama ang delegasyon ng UN-Habitat na pinangunahan nina Regional Director for Asia and the Pacific Kazuko Ishigaki, Philippines Country Programme Manager Christopher Rollo, Regional Coordinator for Climate Change and Urban Environment–Asia Pacific Laids Cea at iba pang kasapi ng UN-Habitat Philippines team.

Kinatawan ni Undersecretary Henry Yap si DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar sa pagpupulong at binigyang-diin ang mahahalagang tagumpay na naabot ng DHSUD at UN-Habitat sa nakalipas na dalawang dekada.

Pinuri ni Rossbach ang pagtatatag ng DHSUD bilang isang mahalagang hakbang sa sistemang institusyonal ng bansa na tinawag niyang “matabang lupa para sa ating pinalakas na partnership.”

Ibinahagi rin niya ang progreso sa finalisasyon ng Strategic Plan 2026–2029 ng UN-Habitat na nakatakdang ipresenta sa UN-Habitat Assembly ngayong Mayo sa Nairobi.

Nakatuon ang bagong Strategic Plan sa akses sa pabahay, lupa at pangunahing serbisyo, pati na rin sa pagbabago ng mga informal settlements upang tugunan ang pandaigdigang krisis sa pabahay.

“Nauunawaan namin sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa akses sa disenteng pabahay, lupa, at pangunahing serbisyo, pati na rin sa pagbabago ng mga informal settlements, maaari nating matugunan ang tatlong pandaigdigang hamon: pagbabago ng klima, kahirapan at krisis pantao,” ani Rossbach.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pabahay bilang “bubong ng Sustainable Development Goals,” at ang urban planning bilang kanilang “gulugod.”