Mangingisda

Commercial fishing sa municipal waters hiniling imbestigahan

297 Views

NAGHAIN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng isang resolusyon na humihiling ng imbestigasyon ng Senado kaugnay ng epekto ng mga operasyong komersyal ng pangingisda sa loob ng 15-kilometrong municipal waters ng bansa. Ang hakbang na ito ay kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na kumikilala sa karapatang makapangisda ng mga komersyal na barko sa mga baybaying-dagat na ito.

Ayon sa resolusyon na inihain noong Hulyo 8, nananawagan ito sa Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform na pag-aralan kung paano maaapektuhan ng naturang desisyon ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda, ang yamang-dagat, at ang seguridad sa pagkain ng bansa. Bukod dito, tinanong din ang siyentipikong batayan ng kasalukuyang mga hangganan at limitasyon sa lalim ng municipal fishing zones.

Isinaad sa resolusyon na nagsimula ang usapin sa isang petisyong inihain noong Oktubre 25, 2023 ng Mercidar Fishing Corp., na humamon sa mga limitasyon sa komersyal na pangingisda sa mababaw na tubig. Kinatigan ng Malabon Regional Trial Court ang petisyon noong Disyembre 11, 2023 at idineklarang ang 15-kilometrong hangganan ay isang “political designation without scientific merit.” Pinagtibay ng First Division ng Korte Suprema ang naturang desisyon noong Agosto 19, 2024, matapos ipawalang-bisa ang apela ng gobyerno dahil sa mga procedural lapses ng Office of the Solicitor General.

Ipinunto ni Senador Pangilinan na ang patuloy na pagpasok ng mga komersyal na sasakyang-pangisda sa municipal waters ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda. Aniya, “This is about more than boundaries. It’s about protecting the very communities who have long been the stewards of our seas—and ensuring that our oceans remain a source of life and livelihood, not a battleground for survival.”

Batay sa datos na binanggit sa resolusyon, bumaba ng 8.8% ang produksyon mula sa municipal fisheries—mula 879,960 metric tons noong 2023 tungong 802,770 metric tons sa 2024. Sa kabilang banda, tumaas naman ng 4.2% ang huli ng komersyal na pangingisda na umabot sa 857,330 metric tons sa parehong taon.

Tinukoy din sa resolusyon ang mga pag-aaral na nagpapakita na maaaring mawalan ng access ang mga municipal fisherfolk sa 98% ng kanilang tradisyunal na pook-pangisdaan kung mananatiling epektibo ang desisyon ng Korte Suprema. Maliban dito, inilahad rin ang pangamba ng mga tagapagtaguyod at eksperto ukol sa banta ng overfishing, bycatch, at pagkasira ng tirahan ng yamang-dagat dahil sa hindi reguladong presensya ng mga komersyal na fleet.

Layon ng imbestigasyon ng Senado na suriin ang mga legal, ekolohikal, at pangkabuhayang implikasyon ng desisyon ng Korte Suprema at bumalangkas ng mga posibleng hakbang na pambatas upang mas mahusay na pamahalaan ang pangingisda sa loob ng municipal waters.