Calendar
Tinalakay ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong ang mga national issues sa mga mamamahayag sa Kamara de Representantes umaga ng Miyerkoles.
Kuha ni VER NOVENO
Adiong: Impeachment wa epek sa tiwala sa Kamara, kay Romualdez
SA kabila ng kontrobersyal na impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, nakuha ng Kamara de Representantes ang pinakamataas nitong trust rating sa huling buwan ng 19th Congress.
Ayon kay Rep. Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, isa sa mga lider ng House Young Guns, hindi karaniwan ang ganitong resulta lalo na sa panahon ng matinding tensyong pulitikal.
“Usually, kapag papatapos na ang isang particular Congress, bumababa ang tiwala ng tao, lalo na ngayong mainit ang isyu ng impeachment. Pero this time, baligtad. Tumataas pa. That tells us something very important. Nakita ng tao ang trabaho, hindi ang ingay,” ani Adiong.
Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), umakyat sa 57 porsiyento ang public trust sa House of Representatives noong Hunyo 2025—mula sa 34 porsiyento noong Abril at 49 porsiyento noong Mayo.
Kasabay nito, tumaas din ng 11 puntos ang tiwala ng publiko kay Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, ang Speaker ng ika-19 Kongreso, sa kabila ng kanyang pagiging tahimik sa gitna ng mainit na usapin.
Para kay Adiong, sa halip na maapektuhan ng impeachment issue, ipinakita ng Kamara ang disiplina at dedikasyon nito sa trabaho.
“Hindi nahila ng pulitika ang trabaho ng Kamara. Walang showbiz, walang away sa plenary. Tuloy ang paggawa ng mga batas, tuloy ang oversight. And that kind of institutional focus is rare during high-stakes political drama,” ayon pa sa mambabatas.
Binigyang-diin din ni Adiong ang tagumpay ng Kamara na maipasa ang 61 sa 64 na Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority bills, kabilang ang 27 sa 28 target para sa ikatlong regular session.
“Hindi kami nagpahila sa drama. In fact, habang pinapa-init ang isyu ng impeachment sa labas, kami dito nagtatrabaho. Kaya siguro ang tingin ng tao, ‘Uy, seryoso pa rin sila.’ And that translated into trust,” paliwanag ng mambabatas mula sa Mindanao.
Aniya, ito marahil ang unang pagkakataon mula sa panahon ng post-EDSA kung saan ang isang Speaker ay napanatili—at nakapagdagdag pa—ng tiwala ng publiko kahit sa panahon ng matinding political tension.
“Walang speech war. Walang personality-driven narrative. Tahimik lang si Speaker, pero kita mo ‘yung trabaho. That’s leadership by posture, not just performance. Kaya pati opposition, walang masyadong banat. Kasi lahat nakatutok sa trabaho,” dagdag ni Adiong.
Ayon sa kanya, pinasinungalingan din ng resulta ng survey ang mga naratibo sa social media na tutol ang publiko sa impeachment.
“Kung ayaw talaga ng tao sa impeachment, bumagsak sana ang tiwala sa Kamara. Pero hindi eh. Tumaas pa. Ibig sabihin, hindi nag-translate ‘yung online noise sa totoong sentimyento ng publiko,” giit pa ni Adiong.
“Ibig sabihin, substance over drama ang gusto ng tao. And Speaker Romualdez benefited from that visibility. Hindi man siya ma-presscon, pero kita ng publiko ‘yung output niya,” dagdag pa ng kongresista.
“Wala siyang ads, wala siyang rally. Pero tumaas. That’s performance-based trust. Hindi madaling kunin ‘yan, lalo na kapag mataas ang ingay sa paligid,” sabi pa ni Adiong.
Naniniwala si Adiong na malakas ang posisyon ng Kamara sa pagpasok ng ika-20 Kongreso.
“Karaniwan, pagpalit ng session, nagre-reset ang tiwala. Pero ngayon, hindi siya bumaba. That tells us na gusto ng tao ng continuity. Ayaw nila ng reset button. Gusto nila, ituloy lang,” paliwanag niya.
“If Speaker Romualdez continues to lead the House, we’re not starting from zero. We’re picking up from a position of strength. That means we can move faster, legislate better and carry over the momentum from the last three years,” sabi ni Adiong.
Pinaalalahanan din niya ang kapwa mambabatas na ang tiwalang ito ay hindi gantimpala, kundi isang tungkulin.
“It’s not a reward. It’s a responsibility. We have to protect that trust, especially now na mataas ang expectations. And I think with Speaker Romualdez, we’re in a good position to do just that,” dagdag pa ni Adiong.

