Adiong Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong

Adiong: Pagpapakalat ng pekeng police report sobra na, dapat itigil na

228 Views

MARIING kinondena ni Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong nitong Miyerkules ang pagkalat ng isang pekeng police report mula umano sa pulisya na nag-uugnay kay Unang Ginang Liza Araneta-Marcos sa pagkamatay ng negosyanteng si Paolo Tantoco.

Ayon kay Adiong, lumampas na ito sa hangganan ng pagiging makatao at dapat nang itigil.

Sa isang press conference, binigyang-diin ni Adiong na ang pagkawala ng mahal sa buhay ay isang malalim na sugat at traumatikong karanasan, kaya’t ang pagpapulitika sa ganitong trahedya ay tahasang paglabag sa karapatang magluksa ng isang pamilya.

“Alam mo, ang sakit at trauma ng mawalan ng mahal sa buhay ay sobra na para sa isang pamilya. Kaya ang posisyon ko diyan: hindi ito biro. Dapat tayo ang unang makisimpatya sa naulila at dapat tayong maging makatao. Kailangan nating igalang ang pribadong pagdadalamhati ng pamilya,” pahayag ni Adiong.

Kumakalat sa social media ang isang pekeng ulat na umano’y nagmula sa pulisya ng Beverly Hills, California, na maling inuugnay ang Unang Ginang sa pagkamatay ni Tantoco.

Nagbabala si Adiong na ang paggamit ng pekeng impormasyon para isulong ang pansariling pulitikal na interes ay hindi lamang sumisira sa katotohanan kundi pati sa mga batayang halaga ng pagkatao.

“Hindi ito dapat gamitin para palakihin ang isyu at makakuha ng pulitikal na puntos. Hindi ito usaping pampubliko. Isa itong pribadong usapin,” aniya.

“Ito ang klase ng smear campaign na dapat nating sugpuin — ang paggamit pa ng pagkamatay ng isang pribadong tao para siraan ang inaakalang kalaban sa politika.”

Dagdag pa ni Adiong, ang sadyang paggamit ng pagkamatay ng isang tao bilang armas pampulitika ay hindi nagpapakita ng lehitimong puna kundi kawalan ng respeto at pagka-desperado.

“Nasa hangganan na ito ng dangal ng tao. Sa palagay ko, baka wala na silang ibang maibato o mapuna. Kung usapin lang ng pamahalaan o polisiya, walang problema. Ako mismo ay bukas sa opinyon ng iba. Pero ito ay hindi simpleng kritisismo — ito ay paninira ng reputasyon gamit ang pagkamatay ng isang indibidwal, at hindi ito katanggap-tanggap.”

Panawagan ni Adiong sa publiko, lalo na sa mga aktibo sa social media, na maging responsable at makatao sa kanilang mga pahayag, lalo na kung may pamilyang nagluluksa.

Hinikayat din niya ang mga awtoridad na imbestigahan at panagutin ang mga nasa likod ng nasabing disimpormasyon.