TNVS

Driver na pinababa pasahero, tinakot ng patalim suspendido

Jun I Legaspi Jul 16, 2025
362 Views

AGAD na kumilos ang Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, at naglabas ng show cause order laban sa isang driver ng InDrive-accredited vehicle na nanakot sa kanyang mga pasahero dahil lamang sa maliit na hindi pagkakaunawaan ukol sa destinasyon.

Ayon kay Acting Assistant Secretary at LTO Chief Greg G. Pua Jr., hindi katanggap-tanggap ang asal ng driver na malinaw na makikita sa video na kumalat sa social media, lalo pa’t nagbanta ito sa kanyang mga pasahero gamit ang patalim.

“Maling propesyon ang napasukan ng driver na ito. Hindi hanapbuhay ang hanap nito kundi basag ulo at asunto,” ani Pua.

Bilang hakbang para maiwasang maulit ang ganitong pangyayari, agad na sinuspinde ng LTO ang lisensiya ng driver at pinagsusumite ito ng paliwanag kung bakit hindi ito dapat tuluyang kanselahin.

Nahaharap ang driver sa mga kasong “reckless driving” sa ilalim ng Section 48 ng Republic Act No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code, at “being an improper person to operate a motor vehicle” sa ilalim ng Section 27(a) ng parehong batas.

Pinadalhan din ng show cause order ang rehistradong may-ari ng sasakyan upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat papanagutin sa pagkuha ng isang reckless driver, alinsunod sa Paragraph 7, Title IV ng DOTC Joint Administrative Order No. 2014-01.

Sa paunang imbestigasyon, makikitang tinakot ng driver ang mga pasahero gamit ang patalim matapos silang pilit na pinababa sa sasakyan.

Ayon sa reklamo, sakay umano sila ng isang InDrive accredited na sasakyan nang bigla silang pinababa ng driver at pagkatapos ay naglabas ito ng patalim at nagbantang sasaktan sila.

Dagdag pa ni Pua, bukod sa suspensyon ng lisensya ng driver, iniutos na rin ng LTO na ilagay ang sasakyan sa alarm status.